Sa mga nagdaang taon, ang produksyon ng alimasag (Portunus pelagicus) ay patuloy na bumababa dahilan sa labis na pagsasamantala at pagkawala ng kanilang mga panirahan. Limitado rin ang bilang ng mga nag-aalaga ng alimasag dahilan sa kakulangan ng tamang teknolohiya at binhi.
Kaugnay ng nasabing suliranin, pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang National Research and Development (R&D) Program para sa alimasag.
Layon ng programa na linangin ang mga teknolohiyang meron na kaugnay ng industrya ng alimasag. Kabilang dito ang mga kinakailangang teknolohiya sa mga pamisaan o ‘hatchery,’ ‘nursery,’ at palakihan o ‘grow-out.’ Ito ay upang mapalakas ang kakayahan ng bansa sa larangan ng kompetisyon.
Ang alimasag, na tinatawag ring kasag, masag, o lambay, ay isang mahalagang produkto sa pangisdaan ng bansa. Ito ay kalimitang mabibili na may matigas o kaya ay malambot na talukap. Itinuturing siyang isang uri ng piling pagkain sa buong bansa.
Ang pambansang programa sa pagsasaliksik at pagpapaunlad sa alimasag ay may mga proyekto sa Tigbauan, Iloilo; Aklan; Guian at Lawaan sa Eastern Samar; ganoon din sa Bongao, Tawi-Tawi.
Ang teknolohiya para sa pamisaan na kabilang sa programa ay ibabahagi sa mga dalubhasaan at pamantasan ng pamahalaan at iba pang mga tagapakinabang ng industriya. Mamamahagi rin ng mga ‘information, education, and communication materials’ kaugnay nito upang mapataas ang kaalaman ng publiko sa pangangalaga at pangangasiwa ng alimasag. Ang mga nasabing materyal ay ipamamahagi rin sa mga maliliit na nag-aalaga ng alimasag, ‘operator’ ng mga papisaan, mga nagpoproseso ng ‘crabmeat’ at iba pang mga nagnenegosyo.