Ang mga ‘native’ na manok mula sa Zamboanga Peninsula o tinatawag na ZamPen native chicken (ZNC) ay isa sa mga pinagkukunan ng pagkain at kabuhayan sa rehiyon. Sa pagpapakilala nito sa merkado, nagkaroon ng ‘demand’ o pangangailangan ang merkado.
Upang matugunan ang demand, nagsagawa ng isang proyekto kung saan layon na paramihin pa ang mga ZNC ‘breeders’ o mga palahiang inahin at ang mga ‘slaughter’ ZNC na pinalalaki para sa karne nito. Kasabay nito ang pagpapababa sa pang-araw araw na gastusin at pagbibigay sa mga magsasaka sa rehiyon ng oportunidad upang magkaroon ng kabuhayan.
Ang proyekto ay isinasagawa sa pagtutulungan ng J.H. Cerilles State College (JHCSC) - Dumingag Campus at San Ramon Prison and Penal Farm (SRPPF) sa San Ramon, Zamboanga City.
Sa pag-aaral, 60 manok ang ipinamahagi sa 10 pamilya. Bawat pamilyang kasapi ay tumanggap ng 1 tandang at 5 na inahin kasama ang komersyal at lokal ng mga patuka. Kalahati naman sa araw-araw na pagkain ng manok ay galing sa mga natural na patuka.
Sa ilalim ng breeding program, nakita ang pagbuti ng pangkalahatang produksyon ng mga manok. Umabot ng 24 na linggo ang pangingitlog ng isang inahing manok mula sa karaniwang 22.3 na linggo. Naitala din ang pagtaas sa bilang ng itlog ng 10.26%; ‘fertility rate’ o ang bilang ng nabubuong mga sisiw mula sa itlog ng 3.20%; bigat ng itlog na tumaas ng 5.31%; bilang ng buhay na sisiw o ‘day-old chicks’ na tumaas ng 3.20%, at bilang ng mga napisang mga itlog na tumaas nang 14.21%.
Sa kabuuan, nagbunga ang proyekto dahil nakapagparami ng ZNC na umaabot sa 2,613; 183 na ‘breeders,’ 121 na ‘growers,’ 2,027 na ‘hardened chicks,’ at 282 na ‘brooding chicks.’ Dagdag dito ay nakapagpalaki din ang programa ng mga inahing kayang makapangitlog ng 117 na itlog kada taon. Ipinagmamalaki din ng programa na 2,431 sa mga ZNC ay galing sa mga katuwang nilang nag-aalaga mula sa mga katabing bayan at probinsya.
Sa kabilang banda, nakita din ang magandang paglaki ng mga manok. Ayon sa mga eksperto, napanatili ng programa ang pisikal na katangian ng mga manok at maayos itong napalagay sa kanilang kapaligiran.
Ang mga resulta ng mga nasabing pag-aaral ay nagpapakita na ang ZNC ay maaaring paramihin sa maliliit at pangmalakihang produksyon nito. Bagama’t dumarami ang mga gumagamit ng ZNC, mas mainam pa rin ang pagdebelop pa ng iba’t ibang klase ng produkto hango sa ZNC upang mas tangkilikin ito sa buong bansa.
Ang pag-aaral na ito ay bunga ng proyektong, “Establishment of Zampen Native Chicken Breeding Population with Improved Egg Production and Growth Performance” na isinagawani Dr. Moises Glenn G. Tangalin ng JHCSC. Ito ay pinarangalann ng ikalawang gantimpala sa ilalim ng Development Category ng 2022 National Symposium on Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development noong DOST-PCAARRD S&T Awards and Recognition na ginanap noong ika-10 ng Nobyembre taong 2022.