Isinusulong ng isang proyekto ang produksyon ng kabuting oyster bilang karagdagang kabuhayan sa rehiyon ng llocos, partikular sa mga matataas na lugar sa llocos Sur na madalas tamaan ng mga kalamidad.
Ipinatutupad ang nasabing pagkukusa sa pamamagitan ng isang proyekto ng University of Northern Philippines (UNP), sa pakikipagtulungan ng Northern Luzon Polytechnic State College (NLPSC) at locos Sur Polytechnic State College (ISPSC).
Pinopondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang nasabing proyekto.
Ang proyekto na tatagal ng dalawang taon ay pinamagatang "S&T Community-Based Farm for Oyster Mushroom Production as an Alternative Source of Livelihood in Disaster Vulnerable Areas of Region I”.
Ang proyektong ito ay may mahigit na apat na milyong pisong halaga at ipinatutupad sa ilalim ng “umbrella program” ng S&T Frontline for Emergencies and Hazards (SAFE) ng PCAARRD.
Layon ng programa na imulat ang iba't-ibang komunidad sa pang-agrikulturang negosyo para sa karagdagang pagkakakitaan ng mga magsasaka at mangingisda upang madali silang makabangon sa mga pinsalang idinulot ng mga kalamidad tulad ng baha, bagyo at tagtuyot.
Nabuo ang nasabing inisyatiba bilang tugon sa super bagyong "Lawin," isa sa pinakamalakas na bagyo na tumama sa bansa noong 2016. Tinatayang umabot sa 66 milyong piso ang halaga ng pinsala na dala ng bagyo sa mga bukirin sa Rehiyong llocos.
Nagsagawa ng pagsusubaybay at pagsusuri ang PCAARRD sa proyekto sa pamamagitan ng kanyang Technology Transfer and Promotion Division (TTPD) kasama ang mga focal person mula sa UNP, NLPC, at ISPC. Isa sa mga paksa na pinag-usapan ay kung paano maayos na maipatutupad ang proyekto.
Ayon sa mga ulat, nagsimulang maghanda ang mga piling 'farmer cooperators' ng mga ‘fruiting bags' ng kabuti noong Marso 2018. Umabot sa 247.75 kilo ang ‘fruiting bags’ na naipon dahil sa pagdami ng kabuti noong Agosto 2018.
Umabot naman ng Php49,670.00 ang kabuoang benta ng mga 'clustered farmers' sa tatlong munisipyo ng Ilocos Sur (Alilem, San Emilio, at Lidlidda).
Ipinakikita ng mga datos ang potensyal ng produksyon ng oyster mushroom bilang isang karagdagang pananim upang madagdagan ang kita ng mga magsasaka at mangingisda na napinsala ng mga kalamidad.