Ang mga magsasaka ng goma sa Basilan ay may malapit nang mapagkukuhanan ng pinakamaganda at mataas umaning mga ‘rubber clones’ o klona ng goma.
Ito ay sa pamamagitan ng suporta at pondo mula sa Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ang proyekto ng Basilan State College (BasSC) ay may pamagat na S&T Community-Based Farms (STCBF) on Promoting Rubber Plantations in the Province of Basilan, ARMM at pinapangunahan ni Prof. Jaime C. Sojor ng BasSC, Lamitan City campus.
Layon ng programa na pataasin ang ani ng pinatuyong goma o ‘dry rubber’ ng 1.92 metro tonelada sa bawat ektarya sa bawat taon mula sa dating 1.28 metro tonelada sa bawat ektarya sa bawat taon. Ito ay nangangahulugan ng pagtaas ng kita ng mga magsasaka ng hanggang 50% sa bawat ektarya sa loob ng isang taon.
Bukod sa pagbibigay sa mga magsasaka ng mga rubber clones, kasama rin sa proyekto ang pagtatag ng kalahating ektarya ng narseri at kalahating ektarya ng ‘budwood’ at ‘mutiplication garden.’ Ito ay upang maparami ang pitong rekomendadong barayti ng National Seed Industry Council (NSIC). Kabilang dito ang PB217, PB235, PB260, PB311, PB330, RRIM600, at USM1. Ang narseri at multiplication garden ay pangangasiwaan ng BasSC-Lamitan City campus. Kasama sa proyekto ang pagtatag ng mga modelong sakahan ng goma na pangangasiwaan ng mga magsasakang parte ng proyekto. Ang modelong sakahan ay gagamitin upang ipakita ang mga magandang pamamaraan at kaalaman sa pamamahala ng sakahan.
Ayon kay Dr. Nasser A. Salain, ang pangulo ng BasSC, handa silang maglaan ng mga proyekto upang matupad ng lalawigan ang layunin nito na mabigyan ang mga magsasaka ng mga klonang mataas umani galing sa ‘budwood garden’ at narseri.
Ang Basilan ay pangatlo sa pinakamalaking tagapag-prodyus ng goma sa bansa. Ang lugar na ito ay may kabuuang 45,308 ektarya para sa produksiyon ng goma, ayon sa Department of Agriculture and Fisheries in the Autonomous Region in Muslim Mindanao (DAF-ARMM). Gaano man kalaki ang lugar para sa produksyon ng dagta ng goma, ang karaniwang produksyon sa bansa ay mas mababa pa sa sa pamantayan na 1.28 metro toneladang pinatuyong goma o ‘dry rubber’ sa bawat ektarya bawat taon.
Ang proyekto sa pagpapataas ng dagta ng goma sa Basilan ay isinulong ni DOST-ARMM Regional Secretary Myra Mangkabung Alih, na isa ring magsasaka ng goma.
Kabilang ang proyekto sa dagta ng goma sa mga teknolohiya na ipamamalas ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD) sa darating na National Science and Technology Week (NSTW). Ito ay gaganapin sa July 25-29 sa PCAARRD Complex at may paksang Juan Science, One Nation.
Itatampok dito ang mga ‘exhibit’ na naglalayong makapagbigay ng mga teknolohiya at kaalaman na makatutulong upang mapalakas ang sektor ng agrikultura ng bansa at makatugon sa pandaigdigang pamantayan.
Gugunitain din ng DOST-PCAARRD ang ika-lima nitong anibersaryo sa Hulyo 28,2016. Tatampukan ito ng pagsasagawa ng National Symposium on Agriculture and Aquatic Resources Research and Development (NSAARRD) sa Hulyo 27, 2016 ng umaga at paggagawad ng mga karangalan sa hapon ng nasabing petsa.
Kinikilala ng NSAARRD ang mga natatanging ambag ng mga indibiduwal at institusyon sa pagpapabuti ng estado ng sektor ng agrikultura, pangisdaan, at likas na yaman sa pamamagitan ng pagsasaliksik at pagpapaunlad (research and development).