Ilang mananaliksik sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman (UPD) ang masusing inaalam kung paano mapapaigting at paunlarin ang industriya ng bangus sa bansa gamit ang ‘genetic technologies.’
Sa pangunguna ni Dr. Brian Santos ng Institute of Biology-UPD, ang pag-aaral na pinamagatang, “Milkfish Broodstock Development and Management,” ay naglalayong bumuo ng sistemang tutukoy sa kasarian ng bangus sa maagang edad sa pamamagitan ng mga natatanging palatandaan o ‘genetic markers.’
Ayon sa pag-aaral, mapapataas ang produksyon ng bangus sa mas mababang halaga dahil matutukoy agad ang kasarian ng bangus na maaaring magparami o ‘breeders.’ Kasabay ng proyektong ito, inaasahan na ang paglikha ng ‘microsatellite markers’ o mga palantandaan sa mga hene ng bangus ay makatutulong upang mapaigting ang pagpaparami ng bangus at mapalakas ang kabuuang industriya nito.
Ayon sa mga eksperto, naging matagumpay ang paggamit ng mga microsatellite markers sa pag-grupo ng mga bangus na may magkakaparehong katangian o ‘genetic characterization.’ Pinag-aaralan din ang mga kasanayan sa ‘hatchery’ at kinukumpara ito sa datos ng hene ng mga bangus. Sa pagkukumpara, malalaman ang pinakamahusay na paraan ng pagpaparami ng bangus at pangangasiwa nito.
Ang proyektong ito ay kasama sa programang, “Enhancement of Milkfish Aquaculture Productivity through Genomics,” sa pangunguna ni Dr. Rachel June R. Gotanco at pinoponodohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resource Reseach and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).