Ang posibleng pinakamaliit na uri ng suso sa mundo ay matatagpuan sa mga bundok ng Argao, Cebu.
Ang pagkakatuklas ay bunga ng isang proyektong pinondohan ng Department of Science and Technology (DOST) na may titulong “Flora and Fauna Assessment Using Permanent Biodiversity Monitoring System in Cebu Island Key Biodiversity Areas (KBAs).”
Ang proyekto ay nasa ilalim ng programang Niche Centers in the Regions for R&D (NICER).
Ito ay isinasakatuparan ng Cebu Technological University-Argao, at sinusubaybayan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources (PCAARRD).
Ang project team ay nagsagawa ng pag-aaral sa mga biodiversity ng halaman, hayop, at mga ‘mollusk’ sa apat na mahahalagang ‘biodiversity areas’ sa tatlong bundok ng Cebu, ang Mt. Lantoy sa Argao; Mt. Lanaya sa Malabuyoc; at Mt. Kapayas sa Catmon.
Kinilala ng project team ang mahigit sa 23 uri ng ‘land snails.’ Nakakalap din sila ng ng 8 di kilalang ‘specimen’ ng land snails at 17 di kilalang uri ng ‘micro mollusks.’
Ang micro mollusk ay isang napakaliit na uri ng ‘invertebrate’ o hayop na walang galugod. Ito ay may malambot na katawan na walang putol o ‘segment’ at may matigas na balat o ‘shell.’
Ayon kay Dr. Raamah C. Rosales, project staff, posibleng natuklasan ng pangkat ang pinakamaliit na suso sa mundo. Ito ay kabilang sa mga di kilalang uri ng micro mollusks na kanilang nakita sa pag-aaral.
Bukod sa mga posibleng bagong uri ng land snails at micro mollusks, natuklasan din ng pangkat, sa unang pagkakataon, ang Northern Temple Pit Viper (Tropidolaemus subannulatus) at Itom-itom (Diospyros longiciliata Merr). Ang Northern Temple Pit Viper, na tinatawag din na ‘Bornean keeled green pit viper,’ ay isang makamandag na uri ng ahas na matatagpuan sa Brunei, Indonesia, Malaysia, at Pilipinas. Samantala, ang Itom-itom ay kabilang sa mga halaman na nabubuhay sa lugar na may mainit na klima. Kilala ang prutas ng halamang ito at tinatawag din na ‘persimmon.’
Natuklasan din ng team ang bagong ‘foraging adaptation’ ng ‘tube-nosed fruit bat.’ Bukod sa pagkain ng prutas, ang nasabing uri ng paniki ay kumakain din ng dahon.
Inaasahang matatapos ang proyekto sa December 2020. Kabilang sa mga output ng proyekto ay ang apat na ‘faunal guidebooks’ at apat na ‘floral guidebooks,’ database ng mga halaman at hayop sa mga piling ‘study sites,’ ‘forest land use plan,’ mga pagsasanay sa ‘biodiversity/mapping/assessment,’ at ‘policy reports’ para sa mga lokal na pamahalaan.