Inaasahang makatutugon ang isang pag-aaral na may kinalaman sa Integrated Crop Management (ICM) upang mapataas ang kalidad at produksyon ng mangga sa bansa.
Ang proyekto ay may pamagat na “Research and development of integrated crop management for mango production in the Southern Philippines and Australia.” Isinagawa ang pag-aaral bilang bahagi ng “Horticulture Program on Fruits and Vegetables.” Pinondohan ang pag-aaral ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) at ng Australian Centre for International Agricultural Research (ACIAR).
Layon ng pag-aaral na mapigilan ang pagbaba ng produksyon pati na rin ang kalidad ng mangga na iniuugnay sa mga peste katulad ng ‘thrips,’ ‘cecid flies,’ at ‘fruit flies.’ Iniuugnay din ito sa mga sakit katulad ng ‘anthracnose,’ ‘blossom blight,’ ‘scab,’ at ‘stem end rot,’ na nakukuha bago at pagkatapos ang panahon ng pag-aani.
Nahahadlangan ang produksyon ng mangga ng mga hindi namumungang mga puno at mataas na presyo ng pestisidyo at abono. Ang mga hamon na ito ay tinutugunan ng mga mananaliksik at mga lokal na pamahalaan.
Kasama sa mga ahensya na nagtutulungan sa pag-aaral ang University of Southeastern Philippines (USeP), Southern Philippines Agri-Business and Marine and Aquatic School of Technology (SPAMAST), University of Southern Mindanao (USM), University of the Philippines Los Baños (UPLB), at Provincial Agriculturist Offices ng Davao Del Norte at Davao del Sur.
Ang pag-aaral ay naglalayon ding itaas ang kalidad ng mangga sa pamamagitan ng epektibong pagkontrol sa pesteng insekto at pinagsama-samang pamamaraan ng pangangasiwa ng peste o ‘integrated pest management.’ Naglalayon din ito na palakihin ang bunga at pataasin ang ani sa pamamagitan ng pinabuting nutrisyon at pangagasiwa sa mga puno.
Ilan sa mga unang resulta ng pag-aaral ay ang kabutihan ng paggamit ng insektisidyo na may kasamang ‘cartap hydrochloride’ at ‘profenofos’ sa pag-kontrol ng pesteng ‘thrips.’
Nakakapigil din ang ‘plant growth regulator’ (PGR) sa pagbawas ng ‘blossom blight’ kumpara sa paggamit ng punggisidyo. Ang paggamit ng PGR ay makapagpapataas ng karaniwang ani sa bawat puno ng mangga.
Kasama sa mga ginamit na PGR sa pag-aaral ay ‘auxin,’ ‘cytokinin,’ gibberellic acid,’ at ‘salicylic acid.’