Ipinangalan kay Mariquit B. de la Peña, may bahay ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato T. de la Peña ang pinakabagong Hibiscus rosa-sinensis hybrid. Tinawag itong Hibiscus rosa-sinensis ‘Mariquit B. de la Peña.’
Ang nasabing gumamela hybrid ay nilinang ng Institute of Plant Breeding na nasa ilalim ng College of Agriculture and Food Science ng University of the Philippines Los Baños (IPB-CAFS, UPLB). Ito ay may malambot at rosas na bulaklak at maselang guhit na puti mula sa bahagi ng mata hanggang corolla nito sa gitna.
Isinagawa ang pagpapakilala sa bagong hybrid ng gumamela sa isang simpleng seremonya sa IPB-UPLB noong February 19, 2019. Ito ay natapat sa 40th wedding anniversary ng mag-asawang de la Peña.
Nilinang ang bagong gumamela hybrid ni ‘plant breeder’ Agripina O. Rasco. Ayon kay Rasco, ito ay may katamtamang taas, may makakapal na talulot,at namumukadkad sa loob ng dalawang araw. Ang bulaklak ay may limang tupi at bahagyang magkakapatong na mga talulot. Sinabi rin ni Rasco na maraming mamulaklak ang gumamela hybrid at ang mga bulaklak nito ay matitibay.
Ang Hibiscus rosa-sinensis ‘Mariquit B. de la Peña’ ay kabilang sa maraming hybrid na dinibelop sa ilalim ng IPB Hibiscus breeding program na sinimulan ni Reynold Pimentel noong 1994.
Layon ng programa na makapag prodyus ng mga bagong hybrid upang mapahusay ang kanilang halaga, pabutihin ang kanilang estado bilang ‘ornamental crop,’ at palakasin ang kanilang kakayahan sa kumpetisyon.
Ang iba pang Hibiscus hybrids ay ipinangalan kina dating Commission on Higher Education Chair Patricia B. Licuanan noong 2014; UP Manila Chancellor Carmencita David-Padilla noong 2015, at National Academy of Science and Technology (NAST) Academician Evelyn Mae T. Mendoza ng parehong taon.
Kasabay na isinagawa sa pagpapakilala sa bagong hybrid ng gumamela ang pagpapasimula sa pagsasagawa ng Industry Strategic S&T Plan for Ornamentals ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development, DOST (DOST-PCAARRD).