Itinataguyod ng Central Luzon State University ang mga alternatibong pakain sa hayop bilang isang mahusay na mapagkakakitaan, partikular para sa kambing.
Ang pag-aalaga ng kambing ay nangangailangan ng taunang suplay ng pakain. Sa Pilipinas, ang mga pakain ay marami tuwing tag-ulan ngunit kulang pag dating ng tag-init. Ang pagpo-proseso ng pakain bilang pellets ay mahalaga. Ang ‘pellet’ ay pakain na binuo bilang mga butil.
Ang mga pellet na pakain sa kambing ay itunuturing na kumpleto. Ito ay binubuo ng mga pinagsama-samang mga sangkap na nagtataglay ng sapat na nutrisyon para sa maayos na paglaki at paggagatas ng mga ito.
Maaring gawing pellet ang ipil-ipil, kakawate, at rensonii at iproseso bilang ‘leaf meal.’ Mapagkukunan ito ng protina ng mga kambing. Nilalahukan ang pakain ng ‘concentrate’ na mabibili sa mga tindahan ganon din ng mga mineral. Ang concentrate ay nagbibigay ng enerhiya at protina na kailangan ng mga hayop. Ang mineral naman ay nagtataglay ng calcium, phosphorus, sodium at chloride.
Ang mga pakaing ginawang pellet ay kapakipakinabang dahil ginagawa nitong mas mahusay ang pagpapakain sa hayop, nagbibigay ng mas magandang kalidad ng pakain, nakababawas sa ‘labor,’ nakakapagpataas ng produksyon dahil mas mabilis lumaki ang mga hayop at nagkapagbibigay din ng mas maraming gatas.
Hindi rin suliranin ang pagiimbak sa mga pakaing ginawang pellet dahil ito ay nangangailangan lamang ng maliit na lugar. Maaari rin itong iimbak sa lugar na may katamtamang temperature (‘room temperature’).
Ang gastos sa paggawa ng mga pellet para sa mga palakihing kambing ay P9.64 bawat kilo habang para sa gatasang kambing ay P10.01 bawat kilo. Ang halaga ng gagastusin ay depende sa materyales na ginamit at sa presyo ng mga ito sa merkado. Ang mga ginawang pellet ay maaring ibenta sa halagang P11.00 bawat kilo para sa palakihing kambing at P11.50 para sa mga gatasang kambing.
Ang kabuuang kita ay P110,000 para sa palakihing kambing at P115,000 para sa gatasang kambing sa bawat 10,000 kilo ng pellet.