Sa Pilipinas, ang kopra ay isang mahalagang pinagkukuhanan ng pakain para sa hayop. Noong 2014, nakapag prodyus ang bansa ng 750,000 metriko tonelada ng kopra mula sa niyog. Ang 60% nito ay ginamit bilang pakain sa hayop.
Tulad ng ‘soybean’, ang kopra ay inuuri bilang protina na nagmula sa halaman at maaaring ihalo sa pakain ng hayop. Ayon sa datos noong taong 2012, ang Pilipinas ay umaangkat ng soybean meal sa halagang 500 milyong dolyar bawat taon.
May mga kaakibat na suliranin ang paggamit ng ‘soybean meal’ bilang panghalo sa pakain. Pabago-bago ang presyo nito sa pamilihan, ito ay may kamahalan kapag inangkat, pabago-bago din ang dami ng ‘supply,’at nakikipagtagisan ito bilang pagkain ng tao.
Kaugnay nito, sinuportahan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang mga programa sa pagsasaliksik para sa maaaring pagkuhanan ng pakain ng hayop. Ito ay sa pamamagitan ng Industry Strategic Science and Technology (S&T) Program (ISP) ng nasabing tanggapan.
Isa sa mga nagawa ng nasabing programa ay ang paggamit ng ‘formulated’ na pakain para sa poltri at pangisdaan gamit ang Protein Enriched Copra Meal (PECM). Ang teknolohiya ay nilinang ng National Institute of Molecular Biology and Biotechnology ng University of the Philippines Los Baños (UPLB-BIOTECH).
Gamit ang teknolohiya ng ‘solid-state fermentation,’ ang PECM ay pinagyayaman sa pamamagitan ng mga mikroorganismo na nakakapagpataas sa taglay na protina ng kopra na umaabot sa 36 hanggang 44 porsiyento. Ito ay maaring maihambing sa taglay na protina ng ‘soybean meal’ na umaabot sa 46 porsiyento.
Isang grupo ng mga mananaliksik mula sa Institute of Aquaculture, College of Fisheries and Ocean Sciences sa University of the Philippines Visayas ang nag-aral sa posibilidad ng paggamit ng PECM bilang kahalili ng 50 porsiyento ng ‘soybean meal’ sa pakain para sa tilapia, bangus, at hipon.
Pinangunahan ang pag-aaral nina Professor Valeriano L. Corre Jr. at Dr. Rex Ferdinand M. Traifalgar ng nasabing paaralan.
Nakita sa pag-aaral ang pagkakapareho ng komposisyong biyokemikal ng ‘soybean meal’ at PECM, partikular ang taglay nilang hilaw na taba, protina, at himaymay.
Isinagawa ang pagsubok sa pagpapakain ng PECM sa hipon (Penaeus vannamei) sa sistemang mababa at maramihan ang bilang ng hipon sa mga alagaan. Ginamit din ito sa tilapia (Oreochromis niloticus), sa tubig tabang, at bangus (Chanos chanos).
Nagpamalas ng mahusay na resulta ang pag-aaral at napatunayang ang PECM ay maaaring pangunahing pagkuhanan ng protina at magamit na panghalili sa 50% porsiyento ng ‘soybean meal’ sa paraang ang paglaki at produksyon ay hindi maaapektuhan.