Ayon sa Philippine Calamansi Association, Inc. (PCAI), dapat tugunan ang bumababang produksyon ng kalamansi sa bansa sa pamamagitan ng pananaliksik at pagpapaunlad.
Ito ang isa sa mga tinalakay sa pagpupulong na ginanap sa Nueva Vizcaya State University (NVSU) at dinaluhan ng mga eksperto sa kalamansi, mga tagapakinabang ng PCAI, at ng ‘monitoring and evaluation (M&E) team’ ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Isinagawa ang pulong upang malaman ang progreso at masuri ang estado ng programang “Citrus Resources Research for Development in Cagayan Valley (CRR4DCV)” sa ilang lugar sa Nueva Vizcaya.
Binigyang diin ng PCAI na dapat bigyang pansin ng mga inisyatibo sa pananaliksik at pagpapaunlad ang kakulangan ng ‘supply’ ng kalidad na mga panananim ng kalamansi gayundin ang bumababang produksyon ng sariwang kalamansi.
Kaugnay nito, iniulat ni Bb. Helen del Rosario, Presidente ng PCAI, ang bumababang produksyon ng kalamansi sa Oriental Mindoro dahil sa mga tumatandang puno, paglipat sa produksyon ng ibang ‘high value crops’ ng mga nagtatanim ng kalamansi, at malawakang kombersyon ng mga taniman ng kalamansi bilang tirahan.
Pinayuhan ni Dr. Maria Adelia C. Belen, Industry Strategic S&T Program (ISP) Manager for Citrus, ang mga eksperto ng NVSU na makipagtulungan sa PCAI sa pagbalangkas at pagsusumite ng mga ‘proposal’ sa DOST-PCAARRD upang tugunan ang mga nasabing hamon. Pinahalagahan naman ni Dr. Jonar I. Yago, R&D Director ng NVSU, ang maaring maitulong ng PCAI sa pagpapabuti sa estado ng industriya ng kalamansi sa bansa.
Inilahad ni Dr. Elbert Sana, Program leader at Direktor ng Citrus Resources Research and Development Center (CRRDC) ng NVSU, ang mga gawain ng programa, estado nito, at iba pang mga detalye tungkol dito. Kasunod ng mga naunang resulta ng Value Chain Analysis ng Citrus sa lalawigan, napagkasunduan ng mga tagapanguna ng proyekto na ituon ang mga gawain sa konserbasyon ng ‘citrus germplasm.’