Ang unang Pilipinong iskolar sa ilalim ng Transnational PhD Program sa Nagoya University Asian Satellite Campus (NUASC) ay nagtapos na.
Sa isang seremonya na isinagawa sa Toyoda Auditorium ng nasabing paaralan, tinanggap ni Dr. Ronilo O. de Castro ang kanyang PhD sa Bioagricultural Sciences, major in Animal Science kabilang ang iba pang 17 nagtapos sa Graduate School of Bioagricultural Sciences (GSBS).
Si Dr. de Castro ay isang ‘swine nutrition specialist’ sa Livestock Research Division ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Dinaluhan ang pagtatapos nina NU President Dr. Seiichi Matsu at NU Alumni Association President Dr. Shoichiro Toyoda.
Tinapos ni de Castro ang kanyang pag-aaral sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) Graduate School, na siyang nagsilbing ‘host’ ng NUASC-Philippines para sa programa sa Agriculture and International Development.
Nagsimula ang Transnational PhD program noong 2016. Pangunahing mandato nito ang magsagawa ng ‘special research-based doctoral programs’ na nakatuon sa ‘international development,’ agrikultura, abogasya, at medisina. Pangunahing kliyente nito ang mga kwalipikadong ‘senior’ at ‘mid-level Filipino executives’ mula sa mga ahensya ng gobyerno at institusyong pang-akademya upang magkaroon sila ng ‘doctorate’ mula sa Nagoya University kung saan hindi nila kailangang umalis ng bansa.
Umaasa ang programa na mapalalakas ang pagtutulungan sa edukasyon at pagsasaliksik sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagpapalitan ng mga mag-aaral at mga mananaliksik sa iba’t-ibang rehiyon sa Asya.
Ang iba pang mga ‘satellite campuses’ ay naitatag sa Cambodia, Vietnam, at Mongolia noong 2014 at sa Laos at Uzbekistan noong 2015.