Sinuportahan ng Philippine Council for Agricutlure, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang bagong tatag na Los Baños Climate Change Council o LBCCC, partikular sa layunin nito na pahusayin ang sektor ng agrikultura, pangisdaan, at likas na yaman, at tugunan ang hamon ng ‘climate change.’
Ang LBCCC ay natatag sa pamamagitan ng Municipal Ordinance 2016-1560 na isinulong noong Oktubre 24, 2016. Ang LBCCC ay inatasan na makipag-ugnayan, bantayan, at suriin ang mga programa kaugnay sa climate change. Ang nasabing grupo ay binubuo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno kasama ang University of the Philippine Los Baños, Department of Education at mga Department of Interiors and Local Government sa Los Baños, Ecosystem Research and Development Bureau, International Rice Research Institute, Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture, Laguna State Polytechnic University, Laguna Water District Aquatech Resources Corporation, Immaculate Concepcion Parish, at iba pang non-government organizations.
Upang simulan ang mandato nito, balak isumite ng LBCCC sa People’s Survival Fund (PSF) ang ‘proposal’ na may titulong “Establishing Climate-Smart Barangay (CSB) for farmers in Brgys. Bayog and Maahas.”
Ang PSF ay binuo sa pamamagitan ng Republic Act 10174 na nagbibigay sa mga lokal na pamahalaan ng taunang pondo para isulong ang programa kaugnay ng climate change.
Ang PCAARRD ay inatasan na maging bahagi ng Technical and Monitoring Committee. Isa ang PCAARRD sa mga ahensiyang susuri ng mga ‘proposed’ na proyekto bago ito i-sumite sa PSF o ano mang ahensya n maaring magpondo nito. Magiging tagapagugnay din ang nasabing ahensya ng mga pulong at iba pang mga gawain ng LBCCC.
Sa pamamagitan ng Philippine S&T Agenda on Climate Change (PSTACC), itinataguyod ng PCAARRD ang pagiging produktibo ng sektor ng agrikultura, pangisdaan, at likas na yaman sa hamon ng ‘climate change.’