Isang serye ng mga ‘seminar’ sa ‘socio-economic researches’ sa agrikultura, pangisdaan, at likas na yaman, ang isinagawa kamakailan sa Central Luzon State University (CLSU), Visayas State University (VSU), at University of Southeastern Philippines (USeP).
Ang mga seminar ay inorganisa ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD), sa pakikipagtulungan ng Socio-Economic Research and Data Analytics Center (SERDAC).
Layon ng mga seminar na maglaan ng pagkakataon para sa pagpapahayag at diskusyon ng mga polisiya at mahahalagang isyu. Layon din nitong pahusayin ang pagpapahalaga sa socio-economic researches bilang isang batayan sa pagbalangkas ng mga polisiya.
Tinalakay ang paksang ‘Food Safety’ sa mga seminar ang resulta ng dalawang proyekto na pinondohan ng DOST-PCAARRD na may titulong “Analysis of S&T-Related Institutional Capacity and Readiness to Effectively Implement the Food Safety Act” at “ASEAN Economic Community (AEC): Opportunities and Implications on Agriculture, Fisheries, and Forestry.”
Nagsilbing tagapagsalita sa seminar ang mga ‘project leaders’ at ‘project staff’ mula sa University of the Philippines Los Banos (UPLB).
Tinalakay ni Dr. Isabelita Pabuayon ng College of Economics and Management (CEM), kasama sina Prof. Nelson Jose Vincent Querijero ng College of Public Affairs and Development (CPAF), Dr. Mildred Padilla ng College of Veterinary Medicine (CVM), Dr. Ma. Josie Sumague ng College of Agriculture and Food Science (CAFS), at Dr. Simplicio Medina ng CAFS.
Tinalakay naman nina Prof. Niño Alejandro Manalo, Prof. Geny Lapiña, at Prof. Rowena Dorado ng CEM ang paksang AEC.
“Dapat malaman ng publiko ang mga ginagawa ng pamahalaan upang isulong ang kalusugan, pangalagaan ang mga mamimili mula sa di ligtas na pagkain, tumataas na insidente ng mga sakit, pagkalason, at mga bagong hamon mula sa mga mamimili para sa ibayo pang mga regulasyon,” ayon kay Dr. Pabuayon.
Idinagdag naman ni Prof. Manalo na kailangan nating maintindihan ang potensyal ng ating mga produktong agrikultural sa lokal at pandaigdigang pamilihan tungo sa pagkakaroon ng tinatawag na ‘informed decisions,’ o mga desisyon na naaayon sa mga tamang impormasyon.
Umaasa si Pabuayon at Manalo na sa pamamagitan ng seminar series ay mabigyang alam ang publiko na ang ating mga produkto ay tumutugon sa ‘food safety standards’ na naayon sa pandaigdigang kalakalan upang tayo ay magkaroon ng kakayahang makipagsabayan at makinabang sa AEC.
Mahigit sa 300 kinatawan mula sa ‘academe,’ ahensya ng pamahalaan, mga lokal na pamahalaan, National Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development Network (NAARRDN), at pribadong sektor ang dumalo sa seminar series mula Hunyo hanggang Agosto 2018.
Kabilang sa mga ahensya ng pamahalaan na dumalo ay ang National Economic and Development Authority (NEDA), DOST, Department of Agriculture (DA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agrarian Reform (DAR), at Department of Tourism (DOT).
Ang seminar series ay pinangunahan ng Socio-Economics Research Division (SERD) ng DOST-PCAARRD sa tulong ng mga tanggapan ng SERDAC sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Tatlo sa apat na tanggapan ng SERDAC centers ay pinondohan ng PCAARRD upang mapalakas ang socio-economics research sa buong bansa. Ang mga center na ito ay pinamumunuan nina Dr. Maria Excelsis Orden ng CLSU, Dr. Moises Neil Seriño ng VSU, at Prof. Jennifer Hinlo ng USeP.