Binalangkas ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD) Scholars Association ang kanyang mga gawain at direksyon para sa taong 2017 sa isang pagpupulong.
Isinagawa ang pagpupulong sa Pampanga State Agricultural University (PSAU), sa Magalang, Pampanga kamakailan.
Pinangunahan ni Dr. Honorio M. Soriano, Jr., presidente ng PSAU at kasalukuyang presidente rin ng PCAARRD Scholars Association ang pagpupulong ng Board of Directors (BOD) ng samahan.
“Nais naming himukin ang partisipasyon ng mga kasapi ng samahan sa mga gawain nito ngayong taon at sa hinaharap,” ayon kay Dr. Soriano.
Partikular na tinitingnan ng samahan ang mga gawain na may pakinabang sa kasapi at maging sa kanilang mga institusyon na kinabibilangan.
“Sa perspektibong ito, umaasa kami na makikilahok din sa mga Gawain ng samahan ang mga pinuno ng mga institusyon ng mga ‘scholars.’ Balak din naming na magkakaroon ng mga pormal na kasunduan kaugnay dito,” ayon pa kay Soriano.
Sa taong ito, pagtutuunan ng pansin ng samahan ang pagpapalaki ng kasapian at ang pagsasagawa ng kanyang ‘biennial convention’ na mag-aaral sa mga hamon at oportunidad ng ASEAN Integration.
Kaugnay nito, ipinahayag ng DOST-PCAARRD ang patuloy na suporta sa asosasyon ganon din ang kanyang mga plano para dito.
“Karamihan sa ating mga scholars ay mga pinuno na sa kani-kanilang mga institusyon at marami rin sa kanila ang aktibo sa mga isinasagawang proyekto na sinusuportahan ng PCAARRD. Pinatutunayan lamang nito ang kahalagahan ng PCAARRD sa pagpapahusay ng yamang tao (human resources) para sa sektor ng agrikutura, pangisdaan, at likas na yaman ng bansa,” ayon kay Dr. Juanito T. Batalon, Direktor ng Institution Development Division (IDD) ng PCAARRD na nagsisilbing Secretariat ng asosasyon.
Ipinaliwanag din ni Batalon na sa pamumuno ni Dr. Reynaldo V. Ebora, Acting Executive Director ng DOST-PCAARRD, ang pagpapalakas sa kapasidad ng National Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development Network (NAARRDN), kabilang ang PCAARRD bilang Secretariat, ay isang mahalagang konsiderasyon. Ayon sa kanya, mahalaga ito upang siguruhin na ang NAARRDN ay patuloy na makabubuo ng angkop at makabagong mga gawain sa pagsasaliksik at pagpapaunlad para sa sektor ng agrikultura, pangisdaan, at likas na yaman ng bansa.
“Itinuturing ng DOST-PCAARRD ang mga ‘scholars’ bilang malakas na katuwang ng NAARRDN sa nasabing gawain at sila ay hindi lamang tagapakinabang ng mga proyekto at programa kung hindi mga aktibong katuwang din sa pagkakamit ng mga layunin at interes nito,” ayon pa kay Batalon.
Ang BOD ng PCAARRD Scholars Association habang nagpupulong sa PSAU Farmers Training Center (Image credit: IDD, PCAARRD) Ipinakikita ni Dr. Soriano (dulong kaliwa) sa BOD ng PCAARRD Scholars Association ang ‘organic farms’ sa ‘campus’ ng PSAU (Image credit: IDD, PCAARRD)