Ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD) ay nakipagtulungan sa iba’t-ibang ahensiya, kabilang ang pribadong sector tungo sa pagpapaunlad ng produksyon ng saging sa bansa.
Ang mga ahensiyang ito ay ang Federation of Free Farmers (FFF), Bioversity International, Lapanday Tissue Culture Laboratory sa Davao City, at ang Banana Asia-Pacific Network o BAPNET.
Ang pakikipagtulungan ng PCAARRD sa FFF ay nakatuon sa pagpapalaganap ng pagtatanim ng saging sa mga taniman ng niyog. Ang P11 milyon na inilaan ng PCAARRD para sa proyekto ay nakatulong sa pagtatatag ng 45 karagdagang taniman ng saging sa Laguna, Quezon, at Bohol.
Nakatulong ang proyekto sa pagkakaroon ng karagdagang kita para sa mga magsasaka sa pamamagitan ng “community-based farming scheme.” Sa ilalim ng sistema, kumukuha ang bawat grupo ng mga nagtatanim ng saging ng kanilang mga pananim na “tissue-cultured” Lakatan mula sa mga “nursery” na matatagpuan sa kani-kanilang mga lugar.
Nagkakaloob naman ng tulong na teknikal at pinansiyal ang Bioversity International. Ito ay bilang suporta sa mga gawaing pananaliksik at pagpapaunlad sa pagsugpo ng mga sakit tulad ng Fusarium wilt at mga “virus diseases,” pangangalaga at pangangasiwa sa mga nurseries, at “germplasm maintenance.”
Samantala, tumutulong naman ang Lapanday Tissue Culture Laboratory na matatagpuan sa Davao City sa pamamagitan ng pamamahagi ng tissue cultured na mga pananim na malinis at ligtas sa sakit. Ang mga pananim na ito ay siyang inaalagaan sa mga nurseries upang maitanim ng mga “farmer-cooperators” ng proyekto.
Ang pagiging aktibong miyembro ng PCAARRD sa BAPNET ay nagbigay ng pagkakataon sa mga Pilipinong siyentista at mananaliksik upang matutunan ang mga bagong teknolohiya na ginagamit sa mga karatig na bansa sa Asya sa produksyon ng saging. Nagbigay din ito ng pagkakataon sa kanila upang makalahok sa pagsasanay sa mga paksa na may kinalaman sa saging at iba pang larangan ayon sa kasunduan ng pagtutulungan.
Ang pakikipag-ugnayan ng PCAARRD sa iba’t-ibang ahensiya at pribadong sector ay higit na nagpabilis at nagpalawak ng palitan ng impormasyon at teknikal na kaalaman ukol sa produksyon ng saging. Ito ay malaking tulong upang higit pang umunlad ang industriya nito.