Pinalawig kamakailan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development o PCAARRD ng Department of Science and Technology ang mga ugnayan sa mga ahensyang internasyonal. Ito ay upang mas mapabuti ang kapakanan ng magsasaka at iba pang mga tagapakinabang ng mga isinasagawang kasunduan ng ahensiya.
Kabilang sa mga ugnayang ito ang mga kasunduan sa pagitan ng PCAARRD at Taiwan Agriculture Research Institute o TARI; Worldfish, International Potato Center at Philippine-Argentina Technical Cooperation.
Ang ugnayan sa pagitan ng PCAARRD at TARI ay pinasimulan noong Nobyembre 2013 at tatagal ng apat na taon. Ang dalawang ahensya ay magsasagawa ng mga magkasamang pag-aaral at palitan ng mga mananaliksik, siyentista, impormasyon at maging ng mga tagapakinabang.
Bahagi ng ugnayan ang mga gawain sa varietal development, production system, integrated pest management, protected cultivation, at rapid bioassay for pesticide residues.
Samantala, ang ugnayan ng PCAARRD at WorldFish na naipatupad noong October 2012 ay inaasahang magbunga ng mga makabuluhang teknolohiya at tulong na teknikal na mabuti para sa kapaligiran at sa kapakinabangan ng mga magsasaka at mangingisda.
Ang mga proyekto na kasalukuyang ginagawa ay nakatuon sa abaca, mud crab, sea cucumber, bangus, gulay, tilapia, at coral reef.
Samantala, ang work plan ng pagtutulungan ng PCAARRD at International Potato Center ay nakatuon sa kamote na isa sa mga prayoridad sa ilalim ng Industry Strategic S&T Program o ISP ng PCAARRD. Ang sweet potato o kamote ay may potensyal na magbigay ng tulong sa adaptation strategies ng vulnerable production systems sa mga lugar na mataas, ganon din sa mga lugar na malapit sa dagat.
Noong taong 2011, nakipagkasundo ang PCAARRD sa ilalim ng Philippine-Argentina Technical Cooperation. Sentro ng kasunduan ang pagtutulungan sa proyektong “Capacity Building and Knowledge Sharing on Pest and Pest Management to Ensure Food Security and Food Safety in the Philippines and Argentina.”
Kaugnay ng kasunduan, bumisita ang dalawang staff ng PCAARRD sa SENASA, Buenos Aires sa Mar del Plata, Argentin; National Institute of Agriculture or INTA sa Castelar City, Argentina, at BIAGRO, isang pribadong kumpanya sa industriya ng agrikultura sa General Las Heras City, Argentina.