Ipinagpatuloy ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang pagiging kasapi nito sa “Technical Working Group (TWG)” sa programa na naglalayong pigilan ang paglaganap ng knifefish sa Laguna de Bay.
Kaugnay nito ay lumagda ang PCAARRD sa isang “memorandum of agreement” sa seremonya na isinagawa sa National Ecology Center, Laguna Lake Development Authority (LLDA) sa Diliman, Quezon City.
Ang paglagda sa kasunduan ay bahagi ng “Partnership Forum” na inorganisa ng LLDA upang makakalap ng suporta sa mga grupo na maaaring makatulong sa pagpigil sa pagdami ng populasyon ng knifefish.
Ang knifefish ay tinuturing na “nuisance species” sa Laguna de Bay dahil sa kumakain ito ng ibang isda na mahalaga sa komunidad.
Ayon kay Dr. Nereus Acosta, LLDA General Manager, kinakailangan ang patuloy na pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Rizal at Laguna at iba pang mga ‘stakeholders’ para sa pangangasiwa ng lawa. Ito ay isinasagawa upang mapanatili ang suplay ng isda na makukuha sa Laguna de Bay.
Tinalakay din ni Moses Abadilla ang mga resulta ng pag-aaral kung saan binantayan nila ang mga paggalaw ng knifefish sa lawa. Si Abadilla ay isang ‘project staff’ ng proyektong may titulong “R&D Program for the Control and Management of the Invasive Knifefish in Laguna de Bay” na pinondohan ng DOST-PCAARRD. Malalaman sa pag-aaral ang mga lugar kung saan maraming makikitang knifefish, kabilang ang ilan pang mahalagang bagay tungkol dito.
Ang iba pang myembro ng TWG ay ang BFAR, LLDA, CALABARZON Regional Offices of the Department of Trade and Industry (DTI), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Councils ng Rizal at Laguna.