Dalawang libong magsasaka ang dumalo kamakailan sa Farms and Industry Encounters through the Science and Technology Agenda (FIESTA) sa kambing na ginanap ng Central Luzon Agriculture, Aquatic and Resources Research and Development Consortium (CLAARRDEC) noong Nobyembre ng taong 2018.
Ang CLAARRDEC ay isa sa mga Consortium ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Pormal na inumpisahan ang FIESTA sa pamamagitan ng mensahe ni Dr. Melvin B. Carlos, Deputy Executive Director for Administration, Resource Management, and Support Services (ARMSS) ng PCAARRD. Pinuri ni Carlos ang PCAARRD, CLAARRDEC, Central Luzon State University (CLSU), Bataan Peninsula State University, at iba pang katuwang na ahensya at organisasyon na nagsasagawa ng mga pag-aaral upang mapaunlad ang pag-aalaga ng mga hayop tulad ng kambing.
Kasama sa FIESTA ng kambing ang mga ‘lectures’ sa pag-aalaga ng kambing na naglalayon na turuan ang mga magsasaka sa kahalagahan ng siyensya, mga saliksik, at pagpapaunlad.
Ibinahagi ng mga eksperto, mga mananaliksik, at mga magsasaka na nagnenegosyo o ‘farmer-entrepreneurs’ ang kanilang mga karanasan sa pag-aalaga ng kambing at hinikayat ang ibang mga magsasaka na magsimula ng negosyo sa pag-aalaga ng kambing.
Ang mga teknolohiya na itinampok sa FIESTA ay ang ‘artificial insemination,’ ‘delivery protocol,’ mga pamamaraan ng pagpapakain at mga ‘supplements,’ ‘mastisis kit,’ at ‘data milk collection test interval method.’
Itinampok din ang isang modalidad na konsepto ng PCAARRD, ang Farmer Livestock School on Goat Enterprise Management o FLS-GEM.
Samantala, ang mga estudyante ay lumahok sa mga paligsahan sa gawang sining, pagkuha ng litrato, at pagkuha ng mga ‘video documentary.’ Lumahok din ang mga magsasaka sa mga paligsahan ng pagluluto ng kambing, ‘goat show,’ at palarong kambing. Itinaguyod sa mga paligsahan na ito ang mga resulta ng R&D na makatutulong sa micro, small, at medium enterprises (MSMEs).
Ayon kay Dr. Edwin C. Villar, Acting Deputy Executive Director for R&D ng PCAARRD, may siyensya sa ‘goat productivity’ na pinag-aaralan ng mga mananaliksik. Ang mga produkto ng siyensya ay kailangang pahalagahan dahil tumutulong ito sa industriya ng kambing.