Binuhay muli ang pakikipagtulungan ng dalawang ahensya ng gobyerno ng Pilipinas at Malaysia. Ito ay ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) at Malaysian Agricultural Research and Development Institute (MARDI), isang ahensya sa ilalim ng Ministry of Agriculture and Agro Based Industry ng Malaysia.
Binuhay ng dalawang ahensya ang kanilang pakikipagtulungan sa pamamagitan ng isang Memorandum of Understanding (MOU) na pinirmahan noong ika-26 ng Hunyo taong 2019 sa PCAARRD, Los Baños, Laguna.
Nagtutulungan na ang PCAARRD at MARDI simula pa noong taong 1975 at nagkaroon na ng kasunduan ang dalawang ahensya noong Hulyo 1975 at noong Nobyembre 1994. Ang kasunduan ay nakatuon sa pagpaplano at pagsasagawa ng mga pananaliksik at palitan ng mga kaalaman at kakayahan ng mga eksperto, mga mananaliksik, at mga siyentista.
Matapos makita ng dalawang ahensya ang benepisyo ng kanilang pagtutulungan, binuhay nilang muli ito at dadagdagan ng mas maraming gawain para makipagkolaborasyon. Sa panibagong MOU, ang PCAARRD at MARDI ay magkakaroon ng pagpa-plano at pagsasagawa ng mga proyekto; pagpapalitan ng mga eksperto, siyentista, at mga mananaliksik; pagsasagawa ng mga pagsasanay o pagpupulong; paglahok sa mga ‘scientific seminars’ at iba pang pulong; pagpapalitan ng mga teknikal na ‘publications’; at pakikipagtulungan sa pagitan ng mga institusyon at organisasyon na nasa Malaysia at Pilipinas sa pamamagitan ng PCAARRD at MARDI.
Pinirmahan ang MOU ni Dr. Reynaldo V. Ebora, Acting Executive Director ng PCAARRD at ni YBhg. Datuk Dr. Mohamad Roff bin Mohd Noor, Director General ng MARDI.
Isinasaayos na ng dalawang partido ang detalye ng ‘work plan’ na nakatuon sa pagpapaunlad ng ‘aquafeeds’ at pag-debelop ng mga teknolohiya sa produkto at pagproseso ng mais, niyog, ‘livestock breeding,’ at pagsalin ng teknolohiya pati na rin ang ‘commercialization.’
Bilang pagtatapos, sinabi ni Dr. Ebora na ang pagpirma ng MOU ay simula lamang ng mas maraming inisyatibo upang yumabong ang pagtutulungan ng dalawang ahensya.