Ang suitability maps ay mahalaga sa sektor ng agrikultra, akwatika, pangisdaan at likas na yaman upang magsilbing gabay sa mga magsasaka at mangingisda sa pagtukoy ng mga angkop na lugar na maaaring magamit at mapagkunan ng mga likas yaman at makapagbigay ng mas mataas na ani.
Sa pamamagitan ng pananaliksik ng Philippine Coconut Authority (PCA), ang mga suitability maps ng niyog na nilikha noong 2001 ay mas pinahusay sa pamamagitan ng pagdagdag ng mas detalyadong ‘environmental’ at ‘socioeconomic factors’ at pinalawak na saklaw na umaabot sa antas ng barangay kumpara noon na hanggang lalawigan lamang.
Ang mga pagbabagong ito ay naging posible sa pamamagitan ng anim na buwan na proyektong pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ang proyektong, “Enhancement of the Field Assessment Protocols and Suitability Maps for Coconut,” ay naglalayong makalap ang mga impormasyong kinakailangan upang makabuo ng komprehensibong ‘area-specific suitability maps’ gamit ang geographic information system (GIS).
Pinangunahan ni PCA Deputy Administrator Ramon L. Rivera ang grupo na binubuo ng mga eksperto mula sa PCA-Davao Research Center (PCA-DRC) at University of the Philippines Los Baños (UPLB) na nakipag-ugnayan sa National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA), Bureau of Soils and Water Management (BSWM), Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), at Philippine Statistics Authority (PSA) upang isagawa ang proyekto.
Bukod sa suitability maps, mas pinagbuti rin ng grupo ang kasalukuyang ‘coconut suitability assessment protocols.’ Kasama na sa bagong forms ang ‘remote’ at ‘onsite assessments.’ Kabilang sa remote assessment ang pagkalap ng impormasyon ukol sa klima, ‘topographic,’ at socioeconomic factors. Samantala, sa onsite assessment kinakalap ang impormasyon sa ‘field assessment’ ng ‘coconut hybridization,’ interes at katayuan ng magsasaka, at ang ‘exclusion criteria assessment.’
Si G. Rodolfo O. Ilao, retiradong direktor ng Agricultural Resources Management Research Division (ARMRD) ng DOST-PCAARRD, ang nagsilbing science and technology (S&T) consultant sa pagsusuri. Pinuri niya ang grupo sa paggamit ng mga impormasyon mula sa mga kaugnay na ahensya ng pamahalaan pati na rin ang pakikipagtulungan sa kanila. Inirekomenda niya ang pagpapakita ng pakinabang ng enhanced protocol at crop suitability maps kumpara sa iba pang mga nadebelop na sistema sa loob man o labas ng bansa.
Ang suitability maps ay inaasahan na makatutulong sa isinasagawang hybridization sa pamamagitan ng pagtukoy ng iba't-ibang mga lugar sa bansa kung saan maaaring itanim ang mga coconut hybrids. Ito ay maaaring makapagpabuti ng paggamit at alokasyon ng mga resources pati na rin sa pagbuo ng mga ‘data-driven’ na polisiya at desisyon ng iba't-ibang ‘stakeholders’ sa industriya.