Paborito ng karamihan ng Pilipino ang tahong. Ngunit dahil sa hindi maganda ang pagkakalinis ng mga bagong aning tahong, maraming Pilipino ang natatakot at hindi na kumakain nito.
Sa paglulunsad ng ‘Mussel Depuration Facility’ sa Barangay Alima, Bacoor, Cavite, maraming Pilipino na ang masisiyahan sa pagkain ng tahong nang walang inaalala tungkol sa kalinisan nito. Ang pasilidad ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ito ay produkto ng proyektong, “Production of safe mussels using environment-friendly culture methods in sites near urban areas” na naglalayong makapagparami ng malinis na tahong gamit ang siyensiya at teknolohiya.
Ginagamit ang pasilidad upang mapasuka ang tahong upang matanggal ang bakterya na makasasama sa kalusugan, lalo na sa mga kumakain ng hilaw o hindi masyadong lutong tahong. Ang kasalukuyang modelo ng pasilidad ay maaaring makapagproseso ng 60-90 na kilong tahong bawat tanke. Ito ay maaaring makabawas ng bakterya sa loob ng anim hanggang 18 na oras.
Sa paglulunsad ng pasilidad sa Cavite, sinabi ni Dr. Edwin C. Villar, Deputy Executive Director for Research and Development ng PCAARRD, na ang pasilidad ay makatutulong sa pag-unlad ng industriya ng tahong para sa kapakanan ng mga “magtatahong.”
Sinigurado ni Villar na ang lokal na pamahalaan ng Bacoor at ang PCAARRD ay patuloy na susuporta sa mga programa at mga aktibidad na maaaring magtaguyod sa pag-unlad ng industriya ng tahong sa Cavite.
Dumalo rin sa paglulunsad si Bacoor Mayor Lani Mercado Revilla at nagpasalamat sa pagkakaroon ng nasabing pasilidad sa siyudad. Ayon sa kanya, may pagkakataon na dinala pa niya ang mga nag-aalaga ng tahong sa Pangasinan upang matutunan nila ang benepisyo ng ‘depuration facility.’
Ang nasabing pasilidad ay naisagawa sa pagtutulungan ng PCAARRD, lokal na pamahalaan ng Bacoor, at ng Cavite State University (CvSU) – Naic Campus.