Kamakailan lang ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang pagpapabuti ng isang pasilidad para sa pamisaan o ‘hatchery’ ng alimango sa Pangasinan State University - Binmaley Campus (PSU-BC). Ang proyekto ay nagkakahalaga ng P4.5 milyon.
Tutugunan ng proyekto ang kakulangan ng ‘seedstock’ ng alimango sa hilagang Luzon na nagiging dahilan ng hindi paglago ng industriya ng alimango sa lugar. Sa ngayon, ang mga taga-hilagang Luzon ay kumukuha ng mga ‘crablets’ sa Bicol, Cagayan, at Visayas. Inaasahan na makapag-poprodyus ng 480,000 na ‘crablets’ o maliliit na alimango ang pasilidad bawat taon.
Ayon kay Dr. Juanito T. Batalon, direktor ng Institution Development Division (IDD) ng PCAARRD, ipagpapatuloy ng ahensya ang pakikipagtulungan sa PSU sa pamamagitan ng R&D at mga pagsasanay, partikular sa mga pananaliksik sa larangan ng pangisdaan. Iminungkahi ito ni Dr. Batalon sa pasinaya ng PCAARRD-PSU Mangrove Crab Hatchery Project na ginanap noong ika-20 ng Hunyo 2018 sa Binmaley, Pangasinan.
Dumalo rin sa pasinaya ang Bise Presidente ng BSU sa Research and Extension na si Dr. Virgilio C. Barongan; Executive Director ng PSU-BC na si Dr. Jessica J. Jimenez; Direktor ng PSU para sa Special Projects na si Dr. Rolando B. Cerezo; at ang Unit Head para sa Facilities Development and Management ng IDD-PCAARRD na si Engr. Ruel Carlo L. Tanqueco.
Sa pamamagitan ng suporta ng PCAARRD, nagamit ng PSU-BC ang mas pinabuting teknolohiya sa komersyal na pagpaparami ng alimango na unang ginawa ng Southeast Asian Fisheries Development Center (SEAFDEC). Bukod sa pagpapatayo ng pasilidad ng pamisaan, dadaan sa ilang mga pagsasanay ang mga tauhan ng PSU-BC tungkol sa pagpapatakbo ng pamisaan ng alimango sa pasilidad ng SEAFDEC sa Iloilo. Maaari rin makipag-ugnayan ang mga tauhan ng PSU-BC sa ‘hatchery facility consultant’ ng SEAFDEC.