Isinulong ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) sa isang pagsasanay ang mga teknolohiya sa pangangasiwa sa kalusugan ng mga isda, krustaseo, at moluska.
Ang pagsasanay na may titulong Health Management for Fishes, Crustaceans and Mollusks, ay isinagawa sa Roque Lab., Miguel de Benavides Bldg., University of Santo Tomas, España, Manila.
Ang pagsasanay ay inorganisa ng PCAARRD sa pakikipagtulungan ng University of Santo Tomas - Institute of Biological Sciences, College of Science.
Pinangunahan nina Engr. Eduardo V. Manalili, Dr. Adelaida T. Calpe, at Ms. Shirley T. Gahon ng Inland Aquatic Resources Research Division (IARRD) ng PCAARRD ang gawaing ito.
Ang mga mananaliksik sa sektor ng ‘fisheries/aquaculture’ mula sa mga piling ‘state colleges and universities’ na kabilang sa National Agriculture Aquatic and Natural Resources Research and Development Network (NAARRDN) ay sinanay sa nasabing gawain.
Tumuon ang pagsasanay sa paggamit ng ‘molecular detection tools’ para sa pangangasiwa ng mga nabanggit na yamang tubig.
Tinalakay ng mga eksperto sa ‘fisheries sector’ ang mga sumusunod na paksa:
• Katayuan ng industriya at mga plano para sa mga piling yamang tubig ni Dr. Dalisay DG. Fernandez, direktor ng IARRD-PCAARRD;
• Mga karaniwang patoheno (bakterya) sa akuwakultura ni Dr. Rolando V. Pakingking, Jr. ng Southeast Asian Fisheries Development Center-Aquaculture Department (SEAFDEC-AQD) at mga karaniwang patoheno (virus) sa akuwakultura ni Dr. Mary Beth B. Maningas ng UST;
• Paggamit ng ‘immunostimulants’ sa pagpapalakas ng ‘immunity’ para sa akuwakultura ni Dr. Edgar C. Amar ng SEAFDEC-AQD
• Teknolohiya ng ‘Molecular Detection Tools: Polymerase Chain Reaction (PCR)-Based at Loop-Mediated Isothermal Amplification (LAMP)’ ni Dr. Christopher M. Caipang ng Temasek Polytechnic, Singapore
• Teknolohiya ng biofloc at greenwater ni Prof. Valeriano L. Corre Jr. ng UP Visayas at Mr. Leovigildo Rey. S. Alaban ng Northern Iloilo Polytechnic State College (NIPSC).
Ang 27 na mga nagsanay ay kinabibilangan ng mga guro, mananaliksik, at mga direktor mula sa 22 pamantasan at dalubhasaan ng bansa. Kabilang dito ang University of the Philippines Visayas, Samar State University, University of San Carlos, Isabela State University, at iba pang mga pamantasan o unibersidad.