Nagsagawa ng isang pagsasanay para sa pangangasiwa ng kalusugan ng hipon ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development-Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Layon ng pagsasanay na ipaalam ang mga napapanahong kalakaran sa nasabing paksa ganon din ang mga teknolohiya para sa pagtukoy ng sakit ng hipon.
Ang pagsasanay na inorganisa ng Inland Aquatic Resources Research Division (IARRD) sa pakikipag-ugnayan sa Institution Development Division (IDD) at University of Santo Tomas (UST), ay isinagawa sa DOST-PCAARRD Innovation and Technology Center (DPITC), Los Baños, Laguna.
Dinaluhan ang pagsasanay ng 29 na kinatawan na binubuo ng mga mananaliksik, kawaning teknikal, at mga pribadong ‘practitioners/stakeholders’ mula sa mga ‘state universities’ at ‘colleges,’ Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at mga tanggapan sa larangan ng pangisdaan, at pribadong sektor.
Ipinaalam ni UST Professor Dr. Mary Beth B. Maningas sa mga nagsanay ang mga napapanahong kalakaran sa pangangasiwa ng kalusugan ng hipon, ganon din ang mga ‘molecular tools’ para sa pag-alam ng patoheno ng hipon. Ibinahagi rin ni Maningas at kanyang mga kasama sa mga dumalo ang aktuwal na pagsasanay sa paggamit ng Loop-Mediated Isothermal Amplification (LAMP) Kit.
Sinabi ni Dr. Melvin B. Carlos, DOST-PCAARRD, OIC-Deputy Executive Director for Administration Resource Management and Support Services (ARMSS), na ang PCAARRD, bukod sa pagiging isang ‘R&D funding agency,’ ay pinag-uugnay din ang mga gumagawa ng teknolohiya at mga magiging tagatangkilik nito para sa pare-parehong ekspestasyon hanggang sa ang teknolohiya ay handa nang ipamahagi.