Layon ng isang programa ang mahusay na pagtugon ng bansa sa hamon ng ‘climate change’ sa pamamagitan ng pangangalaga sa ‘biodiversity’ at sa ‘plant genetic resources.’
Tumutukoy ang 'biodiversity' sa kabuuang dami at pagkakaiba-iba ng sari-saring mga halaman at hayop sa isang lugar. Ang plant genetics naman ay may kinalaman sa mga katangian ng halaman na kanilang minamana at ang paglilipat ng mga katangiang ito.
Ang programa na pinangunahan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ay may titulong, “Restoring Crop Diversity at the National Germplasm Repository.” Ito ay pinodohan ng DOST Grants-in-Aid (GIA).
Sa pamamagitan ng programa, nakakalap ng 3,988 na mga bagong ‘accessions’ ng gulay, legumbre, siryal, kumpay, at mga industriyal na pananim at prutas. Ang ‘accession’ ang siyang pangunahing ginagamit sa proseso ng konserbasyon ng halaman sa mga ‘genebanks.’
Samantala, naibalik na ng United States Department of Agriculture (USDA) at ng World Vegetable Center (AVRDC) sa Pilipinas ang germplasm ng 96 na mga gulay at 833 legumbre bilang pagkilala sa tunay nilang pinagmulan.
May 5,160 na accessions na kinabibilangan ng gulay (654), legumbre (1,593), siryal (1,166), lamang-ugat (799), at mga erbal at halamang gamot (948) ang muling pinasibol at inimbak sa ‘cold storage’ at ‘field genebank.’ Ang mga bagong koleksyon na kinabibilangan ng 115 ‘species’ ay ipinupunla sa narseri at gagamitin sa ‘field genebank’ na matatagpuan sa Pasong Kipot, Bay, Laguna. Ito ay may lawak na 16 na ektarya at kinalalagyan ng 77 iba’t-ibang uri ng prutas.
Ang mga mahuhusay na accessions na kasalukuyang sinusuri ay gagamitin sa pagpapalahi. Ang mga natatanging prutas at lamang-ugat ay maaring paramihin sa pamamagitan ng paggamit ng klona at pagkatapos ay gagamitin sa pagpaparami ng mga pananim.
Isa sa pangunahing bunga ng proyekto ay ang pagkakabuo ng National Plant Genetic Resources Laboratory (NPGRL) Database Management System. Sa kasalukuyan, ito ay tinatawag na National Plant Genetic Resources Information and Data Management System (NPGRIMS).
Tinitiyak ng NPGRL na ang genetic resources ng mga piling barayti ng halaman ay mapangangalagaan para sa pagpapalahi ng mga bago at pinahusay na barayti sa hinaharap.