Ang native pig ng bansa ngayon ay produkto ng di planadong paglalahi sa pagitan ng mga inaalagaang baboy na ligaw at mga bagong uri ng baboy. Mahalaga ang native pig sa mga kanayunan. Nakapagbibigay sila ng karagdagang kita, pagkain na may mataas na protina, at pakinabang na pang sosyo-kultural, partikular sa mga pagdiriwang at mga seremonya. Kilala rin ang native pig sa kakayahan nito na makaakma sa kondisyon sa lokal na kapaligiran, may mataas na resistensya laban sa sakit, at naiibang lasa ng kanyang karne.
Sa kasalukuyan, may mga isinasagawang pagsisikap upang pabutihin ang produksyon ng native pig ng bansa. Kabilang dito ang pagbuo ng populasyon ng purong lahi na mga native pig na may pare-parehong itsura, may mataas na produksyon, at nakapagbibigay ng produkto na may kalidad na di pabago-bago. Sa pag-aaral na ginagawa, sinisiguro rin na hindi mababago ang mga likas na katangian at mapanatili ang iba’t-ibang lahi ng native pig na matatagpuan sa iba’t ibang rehiyon.
Pitong grupo o lahi ng native pig ang nililinang kaugnay ng pagsisikap na ito. Pinangalanan sila ayon sa lugar na kanilang pinanggalingan gaya ng Kalinga, Benguet, Isabela, Nueva Vizcaya, Bondoc Peninsula, Marinduque, at Sinirangan.
Pinag-aaralan ang mga naitalang pagkakaiba sa mga nasabing lahi ng native pig gaya ng kulay at disenyo ng kanilang balahibo, istruktura, hubog, at laki ng kanilang katawan, ugali, at ang agwat ng pagkakaiba sa kanilang lahi base sa kanilang genes.
Sa kasalukuyan, natamo na ang mataas na antas ng pagkakapare-pareho o uniformity sa pisikal na katangian ng mga native na baboy na naprodyus sa ilalim ng proyekto, maging ang pagdami ng bilang ng iniaanak na biik ng mga inahin, at bilis ng kanilang paglaki.
Ang resulta ng mga pag-aaral para mapabuti ang ating native pig partikular ang mga breeder na native pig ay ibabahagi sa mga maliit na magsasaka sa kanayunan at mga interesadong magnenegosyo.