Philippine Standard Time

Pananaliksik sa gamet sa Ilocos Norte binibigyang pansin

Kasalukuyang binibigyan ng pansin ang isang potensyal na gawain sa pananaliksik at pagpapaunlad para sa isang uri ng ‘seaweed’ na matatagpuan sa bayan ng Burgos, Ilocos Norte, na kilala sa tawag na “gamet” (Porphyra sp.). 

Layon ng nasabing gawain na makapagtatag ng isang ‘hatchery’ na malapit sa dalampasigan para sa pagpapatubo ng ‘spores’ ng gamet. 

Makatutulong ang nasabing hatchery ayon kay Professor Andres Y. Tungpalan ng Mariano Marcos State University-College of Aquatic Sciences and Applied Technology (MMSU-CASAT) para sa pagpapanatili ng produksyon ng gamet sa buong taon.   

Ang nasabing inisyatibo ay ipinahayag ni Professor Tungpalan sa isang pagbisita ng mga kinatawan ng Marine Resources Research Division (MRRD) ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD) sa MMSU-CASAT na pinangunahan ni Dr. Mari-Ann M. Acedera.    

Malaki ang pangangailangan sa gamet sa mga pamilihan dito sa Pilipinas at sa ibang bansa. Tulad ng ‘sushi wrappers’ o “nori” na karaniwang nakikita sa bansang Japan, ang gamet ay nagtataglay ng mataas na porsyento ng protina, ‘iodine,’ bitamina A, B, at C ayon sa museoilocosnorte.com.

Ang gamet ay saganang tumutubo sa ‘intertidal zone’ kung saan matatagpuan ang mga malalaki at matutulis na bato sa dalampasigan. Sa panahon ng taglamig at may malakas  na hangin, tinatamaan ng malalaking alon ang lugar kung saan tumutubo ang gamet. Kahit na delikado ang pagkuha ng gamet, nakapagbibigay ito ng dagdag na kita bukod sa pangingisda.