Ang tilapia ay isang mahalagang uri ng inaalagaang isda sa Pilipinas dahil sa katakam-takam na lasa at abot-kayang halaga. Ang “Genetically Improved Farmed Tilapia” o GIFT ay isa sa may pinaka-magandang katangian na inaalagaang lahi ng tilapia. Ang GIFT ay may natalang pinaka-maraming ani, pinaka-mabilis na paglaki, at mataas na kakayahang mabuhay o makaligtas sa anumang pabago-bagong kalidad ng tubig sa palaisdaan.
Gayunpaman, ang produksyon ng GIFT ay bumababa dahil sa mahinang panganganak nito. Kaya kailangang pagsikapan na pagandahin ang lahi ng tilapia sa pamamagitan ng tamang pag-aalaga nito upang maitaguyod ang produksyon ng GIFT.
Upang matugunan ang hamon na ito, pinagtibay ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang isang proyektong may titulong, “Enhanced Aquaculture System for Genetically Improved Farmed Tilapia (GIFT) Strain Towards Improved Reproductive Performance of Broodstock and Sustainable Supply of Quality Fry and Fingerlings.”
Ang proyekto ay pinangungunahan ni Bb. Precious Dee L. Herbalega ng Laguna State Polytechnic University (LSPU), Los Baños Laguna. Layon ng proyekto na makabuo ng mahusay na pamamaraan ng pag-aalaga ng GIFT upang maiangat ang kalidad nito o mabago ang lahi bilang palahian o inahing isda para mapabilis ang pagdami ng binhi o semilya ng GIFT.
Isusulong sa proyekto ang masustansiyang pagkain na gamit ang naiibang sangkap para maiangat ang antas ng kalidad ng binhi o semilya, at inahin o palahiang tilapia. Sa pamamagitan ng masustansiyang kalidad ng pagkain ng isda ay inaasahan na mas magiging matibay ang resistensya sa sakit, mapapabilis ang paglaki, mapapataas ang antas ng buhay ng isda o ‘survival’ laban sa masamang epekto ng pabago-bagong klima.
Layon din ng proyekto na makagawa ng mga pamamaraan para mapabilis na pagpaparami ng binhi dahil sa napagandang lahi ng inahin o palahian. Gagawa rin ng mga tamang pamamaraan ng pag-aalaga ng palahian at ng binhi o semilya ng tilapia.
Upang mapag-usapan ang proyektong ito, ginanap ang pansimulang pulong o ‘inception meeting’ noong ika-tatlo ng Agosto 2018. Ang pulong ay inorganisa ng Inland Aquatic Resources Research Division (IARRD) ng PCAARRD at pinangunahan ng Industry Strategic S&T Program (ISP) Manager ng Tilapia na si Dr. Norida P. Samson.