Ang pagtugon sa suliranin ng bansa kaugnay ng pagkasira ng kapaligiran ay nangangailangan ng solusyon na makalipunan at makakalikasan.
Kaugnay nito, isang pambansang pulong na tinawag na ‘Natural Capital Accounting’ ang isinagawa kamakailan.
Layon ng pulong na tugunan ang usapin sa pagkakamit ng kaunlaran sa paraang hindi makasasama sa kapaligiran at hindi magsasakripisyo sa hinaharap.
Ang dalawang araw na pagpupulong na may temang “Accounting nature: capitalizing partnerships for the future” ay isinagawa sa Marco Polo Hotel, Ortigas Center, Pasig City.
Pangunahing paksa sa ginanap na pagpupulong ang pagtuturo sa paggamit ng paghahalaga sa likas na yaman (natural resource accounting) ng bansa upang baguhin ang pananaw ng mga tagapagplano, tagagawa ng polisiya, siyentista, mananaliskik, at mga ‘socio-economists.’
Sinabi ni Secretary Ernesto M. Pernia ng National Economic and Development Authority (NEDA) na makatutulong ang pagpupulong upang mapalawak ang pananaw ng mga kasangkot sa paksa sa paraang hindi limitado lamang sa usapin ng Gross Domestic Product (GDP).
Inilahad ng mga kinatawan ng mga ‘scientific communities,’ lokal at internasyunal, ang resulta ng kani-kanilang mga pagsasaliksik tungkol sa paksa.
Ang paglalahad na kinategorya ayon sa kanilang ‘sub-themes’ ay kinabibilangan ng mga sumusunod na paksa:
a. Integrated frameworks and tools in Natural Capital Accounting;
b. Economic valuation studies for Natural Capital Accounting;
c. Re-thinking the importance of Natural Capital Accounting;
d. Financing, Investment and Natural Capital Accounting;
e. Data and Data Management in Natural Capital Accounting; at
f. Innovation in environmental assessment and integrated biophysical and socio-economic modelling for Natural Capital Accounting.
Ang pagpupulong ay inorganisa ng NEDA sa pakikipagtulungan ng World Bank at koordinasyon ng Philippine Statistics Authority, Department of Environment and Natural Resources, Laguna Lake Development Authority at Palawan Council for Sustainable Development.