Ang mga ‘high-density monoculture pond’ o ang mga pond na kayang magpanatili ng isang ‘commodity,’ ay madaling kapitan ng mga nakakahawang sakit. Sa mga pond na ito, pinaparami ang mga hipon. Bukod sa pagtaas ng gastos sa pagpapatakbo ng akwakultura, ang pagkalat ng mga sakit gaya ng ‘luminous vibrios’ at ‘white spot syndrome virus’ (WSSV) ay ilan sa mga inaalma ng industriya ng hipon sa bansa. Upang patuloy ang hanapbuhay sa akwakultura, maagap na solusyon at tulong sa produksyon ang kinakailangan.
Upang maagapan ang paghina ng produksyon at mapanatili ang suplay ng hipon sa merkado, ang University of San Agustin, katuwang ang Marmi Agriculutral Corporation, ay gumawa ng isang sistema ng pagpapalaki ng hipon gamit ang mga tangke. Sa pamamagitan nito, masisigurong protektado sa sakit at mas mapa-bibilis ang paglaki ng mga hipon gamit lamang ang kaunting pakain. Ito ay tinatawag na Biofloc technology (BFT).
Ang BFT ay isang inobasyon sa akwakultura na gumagamit ng mga maliliit na organikong materyal bilang pagkain ng mga alagang akwakultura. Ilan sa mga materyal na kabilang ay ang ‘diatoms,’ ‘macroalgae,’ ‘fecal pellets,’ dumi ng hipon, mga bakterya, ‘zooplankton,’ at mga labi ng iba pang mga hayop. Dahil dito, napapanatili ng BFT ang maayos na kalidad ng tubig dahil kaya nitong i-recycle ang mga duming galing sa ‘nitrogen’ upang maging kapaki-pakinabang na mga materyal.
Ayon sa mga eksperto, ang paggamit ng BFT ay nakatutulong sa pagpapabuti ng produksyon ng ‘white leg shrimp.’ Naitala sa pag-aaral na sa loob ng 30 araw na pagkukultura, naitala na bawat hipon ay may ‘feed conversion rate’ (FCR) na 0.43 at karampatang bigat na 1.26 gramo. Ang mas mababang FCR ay nangangahulugang mas mabisa dahil mas kaunti ang kinakailangang pakain para makuha ang tamang bigat ng hipon.
Tulong din sa pagpapataas ng FCR ang pagpoproseso ng BFT mula sa mga ‘nitrogenous’ na materyal sa tubig na kalaunan ay magiging pagkain ng mga hipon. Dahil dito, napapababa ng BFT ang gastos sa produksyon ng hipon na aabot sa 30%, kung ikukumpara sa hindi paggamit ng BFT.
Batay sa pag-aaral, sa loob ng 30 araw na pagpaparami, nabawasan ang presensya ng mga nakakahawang bakterya tulad ng vibrios. Ang presensya ng vibrios ay maaaring magdulot ng mga sakit na umaatake sa mga batang hipon.
Naagapan ang mga sakit gamit ang BFT sa tulong ng mga microorganism na nilalabanan ang presensya ng mga vibrios sa tubig. Bilang resulta, ang mga batang hipon ay mas nagiging protektado laban sa sakit at mas naitataguyod ang pagpapalaki ng mga ito.
Isa din sa benepisyo ng BFT ang pag-ikli ng panahon ng pagpapalaki sa hipon. Karaniwang sa iisang tubigan lamang pinaparami ang mga hipon at magkahiwalay ang proseso ng pagpaparami at pagpapalaki ng mga ito.
Mas mabilis ang pagpapalaki ng hipon sa pamamagitan ng BFT. Sa loob ng 30 araw, ang mga hipong sumasailalim sa pagkukultura sa loob ng ‘nursery tank’ ay inilalagay sa 'growout pond' upang magkaroon ng mas malawak na espasyo para sa kanilang paglaki. Sa ganitong paraan, mapata-taas ang produksyon ng hipon ng 30–60%. Gayundin, masisigurong tuloy-tuloy ang produksyon ng hipon sa buong taon.
Para sa mga interesadong gumamit ng BFT, basahin ang pinakabagong information material ng DOST-PCAARRD na “Biofloc Technology for Nursery Production of Whiteleg Shrimp.” Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang mga online platforms ng DOST-PCAARRD o tawagan ang tanggapan sa numerong (049) 554-9670.