Mahalaga ang mga kooperatiba sa paghikayat sa mga magsasaka upang sila ay gumamit ng teknolohiya at pagpapahusay ng produksyon at pagbebenta ayon sa isang pag-aaral.
Tumuon ang pag-aaral sa papel ng kooperatiba sa mga nasabing larangan, partikular sa kape at kalabaw.
Nakita sa pag-aaral ang kahalagahan ng koopertiba sa pag-uugnay sa mga magsasaka sa mga pamilihan, pagbibigay ng mga impormasyon, at pagpapahusay sa kakayahan ng mga magsasaka.
Ang proyektong, “Role of Cooperatives in Technology Adoption for Improved Production and Market Efficiency in Coffee and Dairy Buffalo,” ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development of the Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Binigyang diin ni Dr. Agham Cuevas at Prof. Liezel Cruz ng University of the Philippines Los Baños (UPLB), na may positibong relasyon ang pagiging miyembro ng kooperatiba at pagtangkilik ng teknolohiya sa produksyon ng kape at kalabaw.
Si Cuevas ang ‘program leader’ at ‘project leader’ para sa ‘dairy buffalo component,’ samantalang si Cruz naman ang project leader para sa ‘coffee component.’
Renipaso ang proyekto sa pagtatapos nito kamakailan sa PCAARRD ‘headquarters’ sa Los Baños, Laguna upang alamin kung nakamit ng proyekto ang mga itinakdang adhikain at layunin nito.
Nakita sa resulta ng pag-aaral na ang isang pangkaraniwang ‘dairy buffalo farmer,’ na miyembro ng kooperatiba, ay tumatangkilik ng mas maraming teknolohiya sa produksyon ng gatas at pagluluwas nito sa pamilihan kumpara sa isang hindi miyembro. Ganoon din naman para sa mga coffee farmers. Ang coffee farmer na miyembro ng isang kooperatiba ay tumatangkilik ng mas maraming teknolohiya sa produksyon ng kape at sa pagpoproseso nito.
May mas mahusay na kakayahan din siya dahil sa mas mataas na pagtangkilik ng teknolohiya, regular na pagdalo sa mga pagsasanay, at pagiging malapit sa mga ‘extension program.’ Sa katunayan, ang mga miyembro ng ‘dairy buffalo cooperative’ ay may mas mataas na kabuoan at netong kita dahil sa mababang gastos sa produksyon.
Ipinapayo ng pag-aaral ang pagpapatuloy ng mga ‘policy makers’ sa pagkakaroon ng mga polisiya sa insentibo bilang suporta sa mga malililiit na magsasasaka ng kape upang sila ay sumali sa mga organisasyon. Ang mga kooperatiba naman ay dapat mag-alok ng mga serbisyong pautang upang hikayatin ang mga miyembro nito na gumamit ng mga teknolohiya.