Isang pagsasanay ang isinagawa ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD) kaugnay ng pagsasanib sa isyu ng kasarian sa mga gawain ng pananaliksik at pagpapaunlad. Ang pagsasanay ay para sa mga kawani na kasangkot sa nasabing gawain. Ang pagsasanay ay ginanap sa tanggapan ng DOST-PCAARRD.
Ang pagsasanay na may temang “Engendering R&D Programs and Projects in the Agriculture, Aquatic, and Natural Resources sectors,” ay ginanap ng tatlong araw.
Ayon kay Dr. Ernesto O. Brown, officer-in-charge ng Socio-Economics Research Division (SERD), DOST-PCAARRD, ang pagsasanay ay ginanap upang ipalaganap ang kaalaman sa isyu ng kasarian o ‘gender’ at kung paano ito isasama sa proseso ng pagpapatakbo ng proyekto – mula sa paggawa ng ‘proposal,’ pagsasakatuparan ng proyekto, pamamahala, at pagsusuri.
Tatlong tagapagsalita ang namahala ng pagsasanay at ‘workshop.’
Isa sa mga tagapagsalita ay si Dr. Blesshe L. Querijero, isang assistant professor ng University of the Philippines Los Baños (UPLB). Tinalakay ni Dr. Querijero ang mga panimulang konsepto sa gender, mga batas kung saan nakasaad ang pagsasama ng ‘gender,’ at mga ‘paradigms’ sa pagaaral ng ‘gender.’ Tinalakay din nya ang ‘tools’ at ‘frameworks’ sa ‘gender analysis.’
Tinalakay naman ni Jeanne Frances I. Illo, may akda ng Harmonized Gender and Development Guidelines (HGDG), kung paano gamitin ang HGDG bilang instrumento sa pagsasama ng ‘gender’ sa proseso ng pagtataguyod ng isang proyekto. Ang HGDG ay naglalayon na makamit ang ‘gender equality’ at mabigyan ng abilidad ang mga kababaihan sa pamamagitan ng mga programa at mga proyekto.
Tinalakay ni Dr. Thelma R. Paris, isang gender-specialist-consultant at dating senior scientist at socio-economist sa International Rice Research Institute (IRRI), ang kahalagahan ng ‘gender’ sa agrikultura pati na rin ang mga ‘gender issues’ sa agrikultura.
Ilan sa mga dumalo sa pagsasanay ay ang mga mananaliksik ng Basilan State College, Biodiversity, Coastal Wetlands, and EcoTourism Research Center (BCWERC), Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 6, Davao Oriental State College of Science and Technology (DOSCST), University of Southern Mindanao, Central Mindanao University, College of Forestry and Natural Resources of the University of the Philippines Los Baños, DOST- Forest Products Research and Development Institute (DOST-FPRDI), DENR-Ecosystems Research and Development Bureau (DENR-ERDB), Los Baños LGU, at DENR- Provincial Environment and Natural Resources Officer (DENR-PENRO).
Ayon kay Beata B. Orillo, isang planning officer sa Basilan State College, ang pagsasanay ay nagbigay sa kanya ng mas malalim na kahulugan ng ‘gender and development.” Ayon sa kanya, magagamit nya ang mga kaalamang nakuha nya sa pagsasanay sa paggamit ng ‘gender sensistivity’ sa mga proyekto ng kanilang ahensya.