Ang rubber ay isa sa mga mahalagang produktong agrikultura dahil marami itong maaaring paggamitan, tulad ng gamit pang transportasyon, konstruksyon, kalusugan, at paggawa ng iba’t ibang produkto.
Gayunpaman, may mga problemang kinakaharap ang industriya ng rubber gaya ng kakulangan sa mga pananim o punla na may mataas na kalidad, kakulangan sa kaalaman tungkol sa wastong pag-ani ng ‘latex’ o dagta mula sa puno ng rubber at kadalasang pagbaba ng naaaning dagta.
Dahil din sa pagtaas ng interes sa rubber at sa mga produktong gawa dito, dumarami rin ang mga taong nakaugalian ang maling paraan ng pag-ani ng dagta tulad ng ‘over tapping’ o ang labis na pag-ani ng dagta galing sa puno.
Upang matugunan ang mga hamong ito sa industriya ng rubber, nagsagawa ng isang pagsasanay ang Forestry and Environment Research Division (FERD) ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD). Pinamagatang, “Rubber Production and Latex Harvesting for Improved Philippine Rubber,” ang pagsasanay ay nakatuon sa wastong pagpaparami ng rubber, pag-ani, pag-proseso, at pagtitinda ng mga produkto sa merkado.
Dalawampu’t isang katao ang dumalo sa pagsasanay mula sa iba’t ibang ahensya at mga may-ari ng taniman ng rubber.
Pinangasiwaan ni Dr. Maria Cielito Siladan ng DOST-Forest Products Research and Development Institute (DOST-FPRDI) ang pagsasanay samantalang nagsilbing ‘lead trainer’ si Prof. Angelito Aballe, isang ekspertong TESDA-accredited mula sa Zamboanga Sibugay.
Ang pagsasanay ay isinagawa sa loob ng limang araw at dinisenyo upang mapahusay ang mga kakayahan ng mga dumalo sa pamamagitan ng mga talakayan, aktuwal na pag-ani at pagproseso, at pagtatasa ng kakayahan ng mga dumalo, at paghahanda sa Rubber Production NC II accreditation.
Ilan sa mga tinalakay sa pagsasanay ay ang pagtatag ng isang ‘rubber nursery’ at ang pagpapakita ang mga pamamaraan sa wastong pag-ani ng dagta.
Ayon kay Loreta Ylagan, may-ari ng isang taniman ng rubber sa Oriental Mindoro at isa sa mga dumalo sa pagsasanay, ang pagsasanay ay makatutulong sa kanila dahil nakakuha sila ng mga bagong kaalaman kung paano magsagawa ng ‘budding operation’ at tamang pag-ani ng dagta na hindi makasisira sa puno ng rubber.
Ang pagsasanay ay bahagi ng ‘capability building’ at ‘R&D governance banner program’ ng DOST-PCAARRD.