Dumalo sa isang pagsasanay ang dalawampu’t-anim na tagapagpatupad ng mga proyekto para matutunan ang mga paraan kung paano makukuha ang pagsang-ayon sa kanilang mga proyekto ng mga tagapagpondo at taga gawa ng mga polisiya.
Ang pagsasanay na ginawa sa Cebu City, ay dinaluhan ng mga kinatawan ng 16 na institusyon na katuwang ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Layon ng pagsasanay na pabutihin ang kakayahan ng mga dumalo sa larangan ng paggawa ng mga mungkahi para sa proyekto upang ito ay maging katangap-tanggap sa mga ahensya na magpopondo at mapakinabangan ng sektor ng agrikultura, pangisdaan at likas na yaman.
Nagsilbing ‘resource person’ si Dr. Lily Ann D. Lando, dating direktor ng Applied Communication Division ng DOST-PCAARRD at kasalukuyang Interim Director at Research Lead ng Worldfish Philippine Country Office.
Pinahalagahan ni Dr. Juanito T. Batalon, Direktor ng Institution Development Division (IDD) ng PCAARRD ang nilalaman ng mungkahi at ang mahusay na pamamaraan upang makuha ang atensyon ng mga tagapagpondo at mga tagagawa ng desisyon. Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang pagsasanay ayon sa kanya.
Upang magawa ito, ipinaalala ni Batalon ang kahalagahan ng ‘acronym’ na KISS na ang kahulugan ay ‘keeping it short and succinct’ o maikli ngunit maliwanag.
Binigyang diin naman ni Lando, na ang mga epektibong ‘visuals’ na ginagamit sa mga paglalahad ng mga mungkahi ay mga kasangkapan lamang. Mas mahalaga pa rin ang tagapaglahad at ang nilalaman ng mungkahi ayon sa kanya. Bukod sa paggamit ng mga visuals, itinuro rin ang kahalagahan ng pang-unawa ng tagapakinig, ang tamang pagpukol ng ideya, pagbalangkas at pagtatapos ng paglalahad, maging ang pagsagot sa mga tanong.
Ayon kay Lando, ang pagiging isang mahusay na tagapaglahad ay mahirap makamit, subalit sa pamamagitan ng mga pagsasanay, mahusay na gamit, istratehiya, at kaalaman ay matatamo rin ito.