Tinalakay sa isang panayam kamakailan kung paano pinasisigla ng isang tanggapan ng pamahalaan ang pagsasalin ng teknolohiya para sa kapakinabangan ng sektor ng agrikultura, pangisdaan at likas na yaman ng bansa.
Ang panayam na tinaguriang “Technology to People” o T2P ay inorganisa ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Isinagawa ang T2P sa DOST-PCAARRD Innovation and Technology Center sa Los Baños, Laguna at dinaluhan ng mga piling mamamahayag.
Layon ng panayam na mabilis na mailathala ang mga piling teknolohiya para sa kabatiran ng mga tagapakinabang ng mga ito.
Ang mga teknolohiyang itinampok sa panayam ay nabuo mula sa mga pananaliksik na isinakatuparan ng mga katuwang na ahensya at pinondohan ng DOST-PCAARRD.
Ayon kay Dr. Melvin B. Carlos, Director ng Technology Transfer and Promotion Division ng DOST-PCAARRD, may tatlong pamamaraan ng pagpapalaganap ng mga teknolohiyang ginugulan ng ahensya. Ito ay ang pagbabahagi (deployment), ekstensyon (extension), at komersiyalisasyon (commercialization).
Ipinaliwanag ni Dr. Carlos na ang mga teknolohiyang ipinapalaganap sa pamamagitan ng pagbabahagi at ekstensyon ay hindi nangangailangan mabenta upang ang mga ito ay makilala at magamit ng mga tagapakinabang.
Ang pagbabahagi ay ginagamit sa mga panahon na may hindi pangkaraniwang pangyayari tulad ng sakuna, mga kalamidad, at silakbo ng sakit at peste. Sa mga panahong ito, ang mga teknolohiyang tulad ng ‘biocontrol technologies,’ mga lahi ng halaman o hayop na may mahusay na resistensya laban sa peste at sakit para masiguro ang ‘supply’ ng pagkain.
Ang pagbabahagi ay para sa mga teknolohiyang hindi abot kamay o hindi kayang bilhin ng mga magsasaka at mangingisda, tulad ng mga makina o kasangkapang pang-ani, pagpoproseso, pamisaan, at mga narseri. Pangunahin din itong ginagamit upang tugunan ang mga kinakailangang teknolohiya para sa mga ‘watersheds,’ panloob na mga katubigan, mga lugar sa baybaying dagat, at mga bahura.
Ayon kay Dr. Carlos, ang ekstensyon ang pangunahing istratehiya na ginagamit sa pagpapakilala ng mga teknolohiya na nalinang sa tulong ng DOST-PCAARRD at mga katuwang nitong ahensya. Ang mga teknolohiyang ito ay hindi saklaw ng sistema ng komersiyalisasyon. Sa halip, ang pagpapakilala sa teknolohiya ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagsasanay, tulong teknikal, alalay sa negosyo sa patnubay ng siyensya at teknolohiya, proseso ng dokumentasyon, at pagpaplano.
Ang komersiyalisasyon ay ginagamit sa mga bagong teknolohiya na mas higit na pakikinabangan ng mga piling industriya sa larangan ng agrikultura, pangisadaan, at likas na yaman kung sila ay dadalhin sa pamilihan. Kabilang sa mga teknolohiyang isinasailalim dito ay mga teknolohiyang nagtataglay ng pag-aaring intelektuwal o ang tinatawag na ‘intellectual property.’
Sa pag-iral ng Technology Transfer Act of 2009 (Republic Act 10055), naging masigasig ang DOST-PCAARRD sa larangan ng komersiyalisasyon. Ipinamalas ng DOST-PCAARRD ang nasabing istratehiya sa pamamagitan ng pagtatatag nito ng DPITC.
Kapag lubos nang operasyonal ang DPITC, ito ay magsisilbing isang ‘one-stop hub’ para sa mga naglinang ng teknolohiya, mga mamumuhunan, at iba pang mga tagapakinabang. Inaasahang makatutulong ito upang mapabilis ang komersiyalisasyon ng mga teknolohiya na nabuo ng sektor ng agrikultura, pangisdaan at likas na yaman.
Magkakaloob ang DPITC ng serbisyo sa pagsasanay, pag-uugnay, pondo, teknikal, at pagpapakilala sa pamilihan. Ayon kay Dr. Carlos, ang mga teknolohiyang handa na sa komersiyalisasyon ay kinabibilangan ng mga makina para sa agrikultura at pangisdaan, mga ‘kit’ para sa pagtukoy ng sakit, pakain sa hayop at isda, ‘biofertilizers,’ produktong pagkain, at mga pinabuting lahi ng halaman at hayop.