Pinangunahan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang programang “Enhancing Technology Transfer and Commercialization of Agri-Aqua Technologies.”
Sa pamamagitan ng programa, inaasahang mapabibilis ang pagsasalin ng 600 teknolohiya na nalinang ng mga ‘research and development institution’ ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura, pangisdaan, at likas na yaman.
Ang programa na pinondohan ng PCAARRD ay binubuo ng limang bahagi: serbisyo sa teknolohiya at gabay sa pagnenegosyo; ‘e-research’ at knowledge management’; promosyon ng siyensya at teknolohiya; pagpapahusay sa kakayahan sa pagsasaliksik at pagpapaunlad; pagpapalaganap at pagtatalaga sa paggamit ng teknolohiya; at maistratehiyang pakikipagtuwang.
Nagbibigay ayuda ang programa sa mga ‘research and development institution,’ sa pagpapabuti ng kanilang kakayahan sa pagbabahagi ng mga pinakamahusay na ‘technology practices.’
Kaugnay nito, bumuo ang PCAARRD ng mga sistema sa pagsasalin ng teknolohiya at ang uri ng pagsasalin na angkop dito gaya ng pagtatalaga, ekstensyon, at komersiyalisasyon.
Kabilang sa mga sistemang ito ang S&T-based Farm (STBF), S&T Community Based Farm (STCBF), TechnoMart, S&T Model Farm, at S&T Action Frontline for Emergencies and Hazards (SAFE).
Kabilang sa pinakahuling pagsisikap ng PCAARRD sa pagsasalin ng teknolohiya ang pagtatatag ng DOST-PCAARRD Innovation and Technology Center (DPITC). Nagsisilbi itong one-stop hub para sa mga may-ari ng teknolohiya, mga nakalinang nito, mamumuhunan, at iba pang mga ‘stakeholders.’
Ang DPITC ay nagsisilbing ‘platform ng PCAARRD sa pagpapatupad ng mga proyekto sa mga pagsasanay, pagtukoy at pagtataya sa potensyal ng teknolohiya, pangangalaga sa mga ari-ariang intelektwal, at pagdadala ng mga teknolohiya, produkto at serbisyo sa pamilihan.