Kamakailan lang ay ginanap ang isang pagpupulong upang pagusapan ang industriya ng kamote at kamoteng kahoy sa opisina ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) na dinaluhan ng mga eksperto, negosyante, at mga kinatawan mula sa lokal at mga internasyunal na ahensiya.
Ang pulong ay pinangunahan ni Dr. Edna A. Anit, Assistant Director ng Crops Research Division (CRD) ng PCAARRD at ni Ms. Abigail May O. Retuta, Industry Strategic S&T Program (ISP) Manager ng Sweetpotato. Pinag-usapan sa pulong kung paano pasisiglahin ang industriya ng kamote at kamoteng kahoy sa pamamagitan ng mga pagsasaliksik.
Ipinaliwanag ni Dr. Jose L. Bacusmo ng Visayas State University (VSU) ang mga teknolohiya na kasalukuyan nilang ginagamit sa pagpaparami ng kamoteng kahoy. Samantala, iniulat naman ni Dr. Julieta R. Roa ng Philippine Root Crops Research and Training Center (PhilRootcrops) ang mga nagawa na sa pananaliksik sa programang, “S&T-based Sweetpotato Value Chain Development for Food in Tarlac, Albay, Leyte, and Samar.”
Tinalakay din sa pagpupulong ang mga inisyatibo at mga kinakailangang gawin para sa kamote at kamoteng kahoy, pati na rin ang mga hakbang para matupad ang mga layunin sa ilalim ng ISP. Nagkaisa ang mga dumalo na bigyang tuon ang mga inisyatibo na may kinalaman sa barayti ng kamote at kamoteng kahoy na matibay laban sa mga peste at sakit pati na rin ang pagpapaunlad ng mga produktong pagkain at iba pang ‘by-products’ nito.
Sinang-ayunan din ng mga dumalo na ang mga isusumite na mga ‘project proposals’ ay kailangang nakatuon sa pagpapaunlad ng mga barayti ng kamote, mga ‘institutional market,’ at ang pagpapatuloy ng Phase II ng Sweetpotato Value Chain Program.
Ikokoordina ng DOST-PCAARRD ang mga inisyatibo para sa kamote at kamoteng kahoy sa DA-BAR upang maiayon ang mga ito sa Harmonized National R&D Agenda para sa agrikultura, akwatiko, at likas na yaman (HNRDA-AANR) ng 2017-2022.
Dumalo sa pagpupulong ang mga kinatawan mula sa Bureau of Plant Industry – Los Baños Crop Research, Development and Production Support Center (BPI-LBNCRDPSC), Centro Internacional de Agricultura Tropical-Asia (CIAT-Asia), Centro Internacional de la Papa – Food Security Through Asian Roots and Tubers (CIP-FoodSTART+), Department of Agriculture Regional Field Office 3 (DA-RFO 3), Institute of Plant Breeding, College of Agriculture and Food Science, University of the Philippines Los Baños (IPB-CAFS, UPLB), Rootcrops Industry Development Sub-committee of the Philippine Council for Agriculture and Fisheries (RIDSC-PCAF), San Miguel Foods, Incorporated (SMFI), Tarlac Agricultural University (TAU), Visayas State University (VSU), at DOST-PCAARRD.
Ang mga dumalo mula sa DOST-PCAARRD ay mga kinatawan ng mga dibisyong Agricultural Resources Management Research Division (ARMRD), Socio-Economics Research Division (SERD), Technology Transfer and Promotion Division (TTPD), at CRD.