Patok sa mga sa turista at mga 'hikers' ang Mt. Agad-Agad sa Lanao del Norte na matatagpuan sa Hilagang Mindanao. Ang bundok ay tahanan sa maraming natatanging uri ng hayop at halaman. Subalit, kasabay nito ang pagdami ng mga maling aktibidad ng tao sa lugar gaya ng maling pagtapon ng basura, ilegal na pagkakahoy, at paglatag ng kalsada. Hindi maikakaila ang panganib ng mga gawaing ito sa kalusugan ng bundok.
Bilang tugon, ang Central Mindanao University (CMU) at Mindanao State University-Iligan Institute of Technology (MSU-IIT) ay nagsagawa ng imbentaryo at pagsusuri ng iba’t ibang organismo, hayop, at halaman bilang suporta sa pagtalaga ng Mt. Agad-Agad na maging isang ‘Local Conservation Area’ (LCA).
Bilang isang LCA, mas mapo-propektahan ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang nasasakupang 'ecological sites' sa tulong ng pinaigting na mga polisiyang pangkalikasan at suporta ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Ayon sa ginawang pag-aaral, ang Mt. Agad-Agad ay mayroong 43 na 'flora' at 90 na 'fauna' na ‘endemic’ o karaniwang nakikita sa lugar. Siyam sa mga ito ay mga halamang namumulaklak, 19 ay mga hayop na 'vertebrate,' habang 16 sa mga ito ay 'invertebrate.'
Sa kalagayan ng konserbasyon, tinatalang 13 na hayop at 17 na halaman ang naituring na 'threatened' o may banta ng pagkaubos. Upang maiwasang lumala ang banta sa mga ito, 20 uri ng halaman ang ngayo’y inaalagaan at pinaparami sa mga binhian ng CMU.
Ang pag-aaral ay nakatulong upang makapagtatag ng binhian sa paanan ng bundok katuwang ang Mt. Agad-Agad Ecotourism and Biodiversity Association (MAEBA). Dito nagpapalaki ng mga katutubong puno, pako, at mga 'ornamental' o palamuting halaman na makatutulong din sa pagbabalik sigla ng bundok.
Gamit ang iba pang datos at impormasyon ng nasabing pag aaral, layon ng mga kinauukulan na mas paigtingin pa ang mga gawain sa pangangalaga ng saribuhay sa Mt. Agad-Agad.
Ang pag-aaral na ito, na isinumite sa Research Category ng National Symposium on Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (NSAARD), ay nag-tamo ng pinakamataas na parangal at kinilala sa 2022 DOST-PCAARRD Awards and Recognition Ceremony noong ika-10 ng Nobyembre 2022.