Isang proyekto ang magpapataas ng kalidad ng mga barayti ng talong upang maging matibay sa mga pesteng insekto gaya ng ‘eggplant fruit and shoot borer (EFSB)’ at ‘leafhopper.’
Ang proyektong ito ay may pamagat na “Development of Improved Eggplant Varieties with New Plant Defense Genes for Multiple Insect Resistance Using Innovative Technologies.”
Isinasagawa ang proyekto sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Institute of Plant Breeding ng University of the Philippines Los Baños (IPB-UPLB), National Institute of Molecular Biology and Biotechnology of the University of the Philippines Diliman (NIMBB-UPD), University of Tsukuba sa Japan, at ng Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA).
Ang nasabing proyekto ay pinopondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Itinuturing ang talong bilang isa sa pinakamahalagang tanim na gulay sa Pilipinas. Ito rin ang panlabing-anim na uri ng gulay na inihahain sa hapag-kainan ng bawat Pilipino.
Sa kabila nito, mababa ang naitalang kita ng mga magsasaka sa bawat ektarya ng produksyon ng talong sa bansa dahil sa pagtaas ng gastos ng mga magsasaka sa paggamit nila ng pestisidyo upang matugunan ang pagkalat ng mga pesteng insekto gaya ng EFSB at leafhopper.
Tatagal ng limang taon ang proyekto at gagamit ng teknolohiyang ‘genomics,’ ‘IT-based phenotyping platforms,’ teknolohiya ng ‘molecular marker,’ at makabagong pamamaraan sa plant breeding.