Kilala ang rehiyon ng Bicol sa iba’t ibang pagkaing may natatanging sarap ng mga katutubong gulay na matatagpuan sa probinsya tulad ng gabi. Ang dahon ng gabi ay ginagamit sa mga sikat na putahe tulad ng laing at pinangat. Ginagamit din itong sangkap sa iba pang mga produktong pagkain.
Gayunpaman, naitala na bumaba ang produksyon ng gabi sa rehiyon mula 2020 dahil sa kawalan ng pormal o maayos na pamamahala ng tanim, mataas na insidente ng peste at sakit, at pagkalugi mula sa mga hindi nagamit o nabentang ani.
Upang muling mapasigla ang industriya ng gabi at iba pang mga katutubong pananim sa rehiyon, inilunsad ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang programang, “Boosting the Taro Industry and Indigenous Crops of the Bicol Region,” sa pakikipagtulungan ng Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA).
Kasabay ng nasabing aktibidad, binanggit ni Project Leader Allan B. Del Rosario na ang layunin ng programa ay mapaunlad ang produksyon at pamamahala ng mga teknolohiya ng gabi at pataasin ang paggamit ng mga katutubong pananim sa pamamagitan ng paggawa ng iba’t ibang mga produkto mula sa mga ito.
Ang pagkolekta ng mga mahuhusay na seleksyon ng gabi sa buong Bicol ay isa sa mga pangunahing bahagi ng nasabing programa. Susuriin ang mga koleksyon base sa kalidad ng kanilang mga dahon at ugat o ‘corm’ para sa paggawa ng produkto mula rito. Ang mga koleksyong ito ay pangangalagaan sa ‘germplasm facility’ ng CBSUA at gagamitin para sa mga susunod pang pag-aaral.
Inihayag naman ni Dir. Leilani D. Pelegrina, mula sa Crops Research Division (CRD) ng DOST-PCAARRD, ang kaniyang pasasalamat sa CBSUA program team para sa kanilang suporta at inisyatiba para sa industriya ng gabi sa Bicol upang matugunan ang mga problema sa industriya.
Maliban sa pagpapalaganap ng mga kaalaman ukol sa mga katutubong pananim sa nasabing rehiyon, ang programa ay inaasahan din na palalawakin pa ang pagbibigay ng impormasyon sa pamamagitan ng mga information, education, and communication (IEC) materials na nagpapakita ng mga resulta sa pagpapabuti tungkol sa pamamahala, kultura, paggawa ng produkto, at mga mahuhusay na barayti ng gabi.