Philippine Standard Time
Featured

Pagpapabuti sa ugat ng palay bilang paghahanda sa tagtuyot, sinusuri ng PhilRice sa tulong ng DOST-PCAARRD

Upang mapaghandaan ang banta ng tagtuyot sa bansa, isang pag-aaral ang naglalayong makakuha ng bagong kaalaman upang pagbutihin at patibayin ang ugat ng palay at mabigyan ito ng kakayahang umangkop sa panahon ng kakulangan sa tubig.

Ang proyektong “Molecular Mechanisms of Root System Formation for Genetic Improvement of Rice Adapted to Water Stress Conditions” ay sinisiyasat ang henetikong aspeto ng pagtubo ng ugat ng palay sa pamamagitan ng pag-aaral ng ‘L-type lateral roots.’ Ito ay uri ng ugat na makatutulong upang maging produktibo ang palay sa tuwing nakararanas ng tagtuyot o kakulangan sa tubig.

Isinasagawa ni Dr. Roel R. Suralta ang pananaliksik katuwang ang DOST Balik Scientist na si Dr. Nonawin B. Lucob-Agustin. Si Dr. Suralta ay mananaliksik sa Crop Biotechnology Center sa Philippine Rice Research Institute-Central Experiment Station ng Department of Agriculture (DA-PhilRice-CBC).  

Tinutulungan ng L-type lateral roots ang pagsipsip ng tubig at sustansya mula sa lupa patungo sa halaman habang nagbibigay suporta, tibay, at kakayahang umangkop sa iba’t ibang kondisyon ng lupa. Ayon kay Dr. Lucob-Agustin, nakatutulong sa pagdami ng nasabing ugat ang presensya ng ‘wavy root elongation growth 1’ o weg1 ‘gene.’ 

Base sa pangunahing obserbasyon, mas maraming ugat at mataas ang ‘shoot dry matter’ ng mga palay na may weg1 gene.  Sa tulong ng ‘molecular marker’ para sa gene na ito, nakapili ang mga mananaliksik ng mga mahuhusay na seleksyon ng palay na mayroong ‘highly-branched root systems’ at natukoy nila ang ‘quantitative trait loci’ o QTL na may kinalaman sa kasinsinan ng lateral roots sa ilalim ng ‘rewatering conditions.’

Upang mapabilis ang pagdedebelop ng mga bagong barayti ng palay na mayroong napagbuting L-type roots, nagdebelop ang proyekto ng protokol gamit ang kombinasyon ng ‘hydroponics’ at bagong pamamaraan na ‘rapid generation advancement’ o RGA.

Sa ilalim ng suporta ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science of Technology (DOST-PCAARRD), inaasahang makatutulong ang proyekto sa pagdedebelop ng mga bagong barayti ng palay na aangkop sa panahon ng tagtuyot.