Inaasahang mapalalakas ng Integrated Crop Management (ICM) ang industriya ng mangga sa bansa sa pamamagitan ng isang isinasagawang pag-aaral.
Ang pag-aaral na may titulong Research and development of integrated crop management for mango production in the Southern Philippines and Australia ay bahagi ng proyektong Horticulture Program on Fruits and Vegetables.
Layon nito na tugunan ang pagbaba ng produksyon at kalidad ng prutas na iniuugnay sa mataas na antas ng peste, gaya ng thrips, cecid flies, at fruit flies ganon din ng mga sakit bago at matapos mag-ani. Kabilang dito ang anthracnose, blossom blight, scab, at stem end rot.
Pinatindi pa ang suliranin sa produksyon ng pagkakaroon ng mga puno na hindi maayos na namumunga at mataas na gastos para sa pestisidyo at pataba.
Inaasahang mapabubuti ang kalidad ng mangga sa pamamagitan ng pagbuo ng mabisang pangontra sa pesteng insekto at pinagsamasamang pamamaraan ng pamamahala ng peste (integrated pest management). Target nito ang mga punggus na lumilitaw bago at matapos mag-ani.
Layon din ng pag-aaral na mapalaki ang bunga at maparami ang ani sa pamamagitan ng pinahusay na nutrisyon at tamang pangangasiwa sa mga puno.
Ang ICM o pinagsamasamang pamamaraan ng pamamahala ng pananim ay binuo tungo sa mapangalagang agrikultura. Binibigyang pansin nito ang buong kaganapan sa taniman. Kabilang dito ang mga sosyo-ekonomiko at pangkapaligirang mga isyu na kailangan tugunan upang makamit ang pinaka-angkop at ligtas na paraan ng pagsasaka para sa mahabang panahon ng pakinabang.
Pinondohan ang pag-aaral ng Australian Centre for International Agricultural Research (ACIAR) at ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST–PCAARRD).
Nakikipagtulungan sa proyekto ang University of Southeastern Philippines (USeP), Southern Philippines Agri-Business and Marine and Aquatic School of Technology (SPAMAST), University of Southern Mindanao (USM), University of the Philippines Los Baños (UPLB), at Provincial Agriculturists Offices ng Davao Del Norte at Davao del Sur.