Kamakailan lang ay iniluklok si Dr. Edwin C. Villar bilang Career Executive Service (CES) Eligible ng Career Executive Board.
Si Dr. Villar ay ang kasalukuyang Acting Deputy Executive Director for Research and Development ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ginanap ang pagluluklok kay Dr. Villar sa ika-45 na anibersaryo ng CES noong ika-10 ng Nobyembre taong 2018.
Ginanap ang pagluluklok kasama ang 32 iba pang mga CES Eligible. Ang mga ‘eligibles’ ay nanumpa rin na sila ay maging modelo ng kahusayan, integridad, at serbisyo. Pinangunahan ni CESB Chairperson Alicia dela Rosa-Bala ang panunumpa.
Upang maging CES Eligible, ang mga aplikante ay kinakailangang sumailalim at pumasa sa ‘written exam,’ ‘assessment,’ at panayam ng board.
Si Dr. Villar ay dating Director ng Livestock Research Division (LRD) ng PCAARRD at itinalaga bilang Acting Deputy Executive Director for R&D noong unang araw ng Oktubre, taong 2015. Nanumpa si Dr. Villar sa dating DOST Secretary na si Mario G. Montejo.
Bilang Acting Deputy Executive Director for R&D ng PCAARRD, inatasan si Dr. Villar upang magbigay ng direksiyon sa pagpaplano ng mga programa ng ahensiya; magpatupad at mag-‘monitor’ ng mga ‘R&D plans’ at mga programa; magpahusay ng mga ugnayan ng R&D at paggamit ng mga resulta ng mga pananaliksik; mangasiwa ng ‘programming,’ alokasyon, at pagbigay ng pondo para sa pagsasaliksik; at pagtibayin ang ‘morale,’ disiplina, at ang pagpapaunlad ng mga empleyado ng ahensiya upang maging epektibo ang pagtutulungan at tumaas ang ‘motivation’ ng mga empleyado.