Ang Iloilo Science and Technology University (ISaTU) ay gagawa ng ‘programmable’ na ‘dehydrator machine’ para sa ‘herbal teas’ sa ilalim ng proyektong, “Design and Development of a Programmable Dehydrator Machine for Herbal Tea Materials.” Ang proyektong ito ay inaprubahan kamakailan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Layunin nito na matugunan ang pangangailangan ng mga lokal na pagawaan ng tsaa para sa angkop na kagamitan at kaalaman sa pagpoproseso ng ‘herbal tea.’
Nagiging popular ang ‘herbal tea’ ngayon lalo na sa mga Pilipino na nagpapahalaga sa kanilang kalusugan. Gayunpaman, upang lubusang makinabang sa benepisyo sa kalusugan ng ‘herbal tea,’ kinakailangan ng mga nagpoproseso ang kaalaman tungkol sa ‘bioactive compounds’ na matatagpuan sa pinatuyo at di pinatuyong mga parte ng halamang tsaa. Kailangan din nila ng kaalaman sa tamang paraan at tamang tagal ng pagpapatuyo na kung saan mapapanatili ang mga sustansya na nakapaloob dito.
Ang ‘bioactive compounds’ ay mga elementong kemikal sa halamang tsaa na nakapagbibigay ng ‘anti-oxidant properties,’ katangian na nakababawas ng pamamaga, nakakahadlang sa pagkakaroon ng kanser at iba pa.
Ayon kay Dr. Renerio L. Mucas, propesor ng ISaTU at lider ng proyekto, ang prototipong disenyo ng ‘dehydrator machine’ ay gagamitan ng ‘solar energy’ at “back-up” ang kuryente. Ito ay may “programmable circuit system’ na makokontrol at masusubaybayan ang temperatura at kahalumigmigan habang nasa processo ng pagtutuyo.
Pag-aaralan ng proyekto ang kasalukuyan at nakagawiang paraan ng pagpapatuyo ng mga lokal na gumagawa ng tsaa. Ang impormasyong ito ay gagamitin sa pagdisenyo ng makina.
Kapag nagawa na ang makina, susubukan ang ‘performance’ nito at babaguhin kung kinakailangan.
Ang disenyo at pagbuo ng makinarya ay gagawin sa ISaTU, samantalang ang pagsusuri sa na-prosesong ‘herbal teas’ ay isasakatuparan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Ephrathah Farms sa Badiangan, Iloilo.
Bukod sa pino-programang ‘dehydrator machine,’ inaasahan na magkaroon ng protokol sa pagpapatuyo at iba pang kondisyon para sa pinakamagandang resulta. Inaasahan din na matutukoy kung gaano katagal ang ‘storage life’ ng ‘processed herbal teas.’ Plano din ng ISaTU na ikuha ng patente o ‘utility model application’ ang makina at iba pang teknolohiya.
Sa proyektong ito, inaasahan ng PCAARRD ang pag-angat ng lokal na industriya ng ‘herbal tea’ upang maging kapantay o mahigitan pa ang ibang bansa.