Maaring magamit ang ‘irradiated carrageenan’ mula sa pulang seaweed bilang ‘plant food supplement’ (PFS). Ang seaweeds ay may taglay na ‘additive’ na kung tawagin ay carrageenan. Nakita sa mga pag-aaral na kapag ang carrageenan ay isinailalim sa ‘irradiation,’ maaari itong magamit na ‘food supplement’ sa palay. Sa ilang mga ginawang pagsubok sa Bulacan, Nueva Ecija, Laguna, at Iloilo, napataas ng ‘irradiated carrageenan’ ang ani ng palay mula 15% hanggang 40%.
Kaugnay nito, pag-aaralan ng Benguet State University (BSU) ang epekto ng carrageenan bilang PFS at ng sintetikong pataba (‘synthetic fertilizer’) sa paglaki, kalidad, at bunga ng mga ‘cool-season crops’ kagaya ng letsugas, ‘broccoli,’ repolyo at ‘strawberry’ na pinalaki sa ‘greenhouse.’
Popondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development, isang tanggapan ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD), ang nasabing proyekto na tatagal ng dalawang taon.
Pag-aaralan ng BSU sa pangunguna ng project leader na si Dr. John F. Malamug at ng kanyang grupo ang epekto ng paggamit ng iba’t-ibang antas o ‘concentration’ at dalas ng aplikasyon ng carrageenan PFS at sintetikong pataba sa pagkakaroon ng pinakamataas na ani. Ang resulta ng kanilang pag-aaral ay susubukan din sa mga taniman at titingnan ang pakinabang ng paggamit nito sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Inaasahang mapalalaki ng teknolohiya ng 20% ang ani bawat pagtatanim at makababawas sa dami ng kinakailangang sintetikong pataba ng 25% hanggang 50% at paggamit ng pamatay kulisap ng nasa 25%.