Tampok sa taunang National Science, Technology, and Innovation Week (NSTW) ang isang pag-aaral na layong paigtingin ang pamamahala at pangangalaga ng industriya ng tuna sa Mindanao.
Pinamagatang, “Unlocking the Blue Economy: Insights of Study on the Reproductive Biology, Dietary Analysis, and Life-History of Philippine Tuna Species for Sustainable Fisheries in Southern Philippines,” layunin ng pag-aaral ang iba’t ibang aspeto ng pagpaparami ng mga uri ng tuna na makikita sa dagat ng Mindanao. Sinuri rin ang biolohiya, pakain, angkop na laki kapag huhuliin, at populasyon ng mga tuna. Sinulong ito ng mga mananaliksik mula sa Mindanao State University-General Santos City (MSU-GenSan) sa pangunguna ni Dr. Edna P. Guevarra.
Isa sa mga tinutukan ng pag-aaral ay ang mga ‘neritic’ na uri ng tuna. Ito ang uri ng tuna na namumuhay at natatagpuan sa mga ‘continental shelf’ na isang mababaw na bahagi ng karagatan. Ang mga ‘neritic tuna’ ay mas maliliit kumpara sa mga uri ng tuna na makikita sa malalalim na bahagi ng karagatan. Malaki ang papel ng mga isdang ito sa pagkontrol ng sistemang ekolohikal ng dagat. Ito rin ay nagsisilbing mahalagang bahagi ng industriya ng tuna sapagkat ang Pilipinas ay kabilang sa mga pangunahing pinagkukunan ng tuna bilang pagkain sa Kanluran at Gitnang Dagat Pasipiko.
Batay sa resulta ng pag-aaral nila Dr. Guevarra, ang mga nasuring neritic tuna ay may anim na baitang ng pagpaparami. Napag-alaman din na ang neritic tuna sa Mindanao ay may iba’t ibang uri ng pagkain at kung paano sila kumakain. Dagdag pa rito, natukoy ng grupo ni Dr. Guevarra ang mga lugar kung saan nagmumula, nagpaparami, at nagpapalipat-lipat ang mga tuna—mga impormasyong maaaring makatulong sa pagprotekta at pamamahala sa lugar.
Nagbibigay ebidensya ang pag-aaral na ito ng posibilidad tungo sa positibong industriya ng tuna sa Mindanao. Natukoy na ang Sarangani Bay ay maaaring pag-mulan ng neritic tuna at maging lugar kung saan sila nagpaparami at lumalaki.
Ayon kay Dr. Guevarra, mainam na pinag-aaralan ang biyolohiya ng mga tuna dahil isa itong paraan upang mapangalagaan ng wasto ang kanilang populasyon. Sa tulong ng mga ganitong pag-aaral, mas mabibigyang direksyon ang mga polisiya na maaaring mapaigting ang industriya ng tuna at saganang produksyon nito sa bansa.