Ang sakit na ‘gall rust’ sa iba’t-ibang uri ng puno ay matagal nang problema sa bansa, lalo na sa mga lugar na nababalutan ng mga taniman ng puno. Upang tugunan ang nasabing problema, pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang pagsasagawa ng isang proyekto upang mapigilan ang pagkalat ng nasabing sakit ng Falcata.
Ang proyekto na isinasagawa ng University of Southeastern Philippines, ay gagamit ng ‘geospatial analysis’ upang matukoy ang mga puno at lugar na may gall rust sa Compostela Valley.
Ang gall rust ay isang uri ng sakit sa mga puno na sanhi ng pungus na Uromycladium falcatarium. Ang sakit na ito ay maaaring kumalat at madala ng hangin sa buong plantasyon kaya importante na makita at magamot agad ang isang punong apektado nito.
Makikita ang gall rust sa pagkakaroon ng mga ‘galls’ o pamamaga sa mga tangkay at sanga ng puno. Nagreresulta ito sa pagkawala ng mga dahon at iba pang bahagi ng tuktok ng puno at kalaunan ay ang pagkamatay nito.
Sinabi ni Dr. Nympha Branzuela, tagapanguna ng proyekto na sa tulong ng geospatial analysis, mapag-aaralan nila ang lawak ng pinsala na dala ng gall rust. Makikita rin nila ang impluwensya ng mga ‘biophysical factors’ sa lawak ng mga apektadong puno sa probinsya. Nagagamit ang mga nakalap na datos sa pagtatatag ng mga ‘field trial planting’ gamit ang iba’t-ibang ‘control measures’ o pangsugpo.
Ang proyekto ay nasa ilalim ng ‘Strategic R&D banner program’ ng PCAARRD. Layon nitong tugunan ang mga suliranin sa sakit ng mga taniman ng Falcata at panumbalikin ang kondisyon sa kapaligiran sa mga ‘forestlands/timberlands’ ng bansa.
Tatagal ng dalawang taon ang proyekto at sasailalim sa monitoring ng DOST-PCAARRD.