Los Baños, Laguna – Sinimulan ang Regional Durian Research and Development (R&D) program (Phase 2) kamakailan sa isang pulong na isinagawa sa tanggapan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Layon ng programang “Enhancing Productivity and Sustainability of the Durian Industry in Southern Mindanao for Improved Market Access Phase 2” na pataasin ang ani ng durian, pahusayin ang kalidad nito, at magkaroon ng mas mahusay na aplikasyon ng pataba.
Kaugnay nito, bubuo ng mga ‘management practices’ para sa anim na barayti ng durian sa bansa. Kabilang dito ang Puyat, Arancillo, Kob, Duyaya, D101, at Karnyao. Sisiguruhin at pagtitibayin din ng programa ang resulta ng programa sa ilalim ng Phase 1 nito upang makakuha ng mas konklusibo at komprehensibong resulta.
Ipatutupad ito ng Bureau of Plant Industry-Davao National Crop Research Development and Production Support Center (BPI-DNCRDPSC), University of Southern Mindanao (USM), at University of Southeastern Philippines (USeP) sa Katimugang Mindanao sa loob ng dalawang taon.
Bubuo ang programa ng isang ‘fertilization guide’ ayon sa pamantayan ng ‘optimum nutrient’ na kailangan ng durian. Sisiguruhin at pagtitibayin din ang mga teknik sa pagpupungos, pagbabawas ng dahon at sanga sa tuktok ng puno, pagbabawas sa bulaklak at bunga, at pamantayan sa paggamit ng pataba upang makamit ang pinakamataas na ani at kalidad ng durian.
Kabilang sa mga inaasahang ‘output’ ng programa ay isang mapa gamit ang Geographic Information System (GIS) na magpapakita kung saan-saan sa Davao at Cotabato angkop ang pagtatanim ng durian.
Ang programa ay isang inisyatibo ng DOST-PCAARRD upang matulungan ang lokal na industriya ng durian na makamit ang mas mataas na pangkaraniwang produksyon.
Inorganisa ng Crops Research Division (CRD) ng DOST-PCAARRD ang paunang pagpupulong para sa pare-parehong ekspektasyon at upang iakma ng sapat ang mga aspetong teknikal at pinansyal ng programa.
Pinangunahan ni Dr. Jocelyn E. Eusebio, Direktor ng CRD, ang panel ng ‘technical evaluators’ kasama sina Dr. Domingo E. Angeles at Dr. Erlinda S. Paterno ng University of the Philippines Los Baños.