Kasabay ng paglago ng industriya ng muwebles ay ang higit na pangangailangan ng ‘raw materials’ mula sa gubat. Ang ‘forest vines’ o baging mula sa gubat ay maaaring panggalingan ng materyales para sa nasabing industriya.
Ang baging mula sa gubat ay isang produkto na hindi gaanong napag-aaralan at kabilang sa ‘non-timber forest products’ o NTFP. Dahil dito, kaunting impormasyon lamang ang mayroon tungkol sa ‘supply chain’ nito, pati na rin ang mga aktibidad ng mga kalahok at mga problema na kinakaharap nila.
Bilang tugon, inaprubahan kamakailan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang proyekto ng Forest Products Development and Research Institute (FPRDI) upang masuri ang ‘supply chain’ ng mga importanteng baging mula sa gubat ng bansa.
Makatutulong ang resulta ng pag-aaral na ito sa mga tagagawa ng mga patakaran at mga ahensyang nakatutok sa pagpapaunlad ng bansa. Makapagbibigay din ang pag-aaral na ito ng impormasyon tulad ng mahusay at epektibong paraan ng produksiyon at pangangalakal ng baging mula sa gubat ng bansa.
Ang mga uri ng baging mula sa gubat na pag-aaralan ay ang hinggiw (Ichnocarpus frutescens), lukmoy (Rhaphidophora sp.), hagnaya (Stenochlaena palustris), tilob (Dicranopteris linearis), nito (Lygodium circinnatum), at galtang (Arcangelisia).
Ang proyekto ay isasagawa sa loob ng isang taon sa pangunguna ni Bb. Carolyn Marie Garcia, Senior Science Research Specialist ng FPRDI. Kasama ang Batanes, Quezon, Bicol, Cebu, at Surigao del Sur sa mga lugar na pag-aaralan ng proyekto.
Maganda ang hinaharap ng industriya ng handicraft at muwebles dahil sa natatanging disenyong Pilipino. Maaari itong i-export at kumita ng dolyares. Ang mga baging mula sa gubat ay maaaring gawing palamuting pangsabit sa dingding, bandeha, plorera, basket, upuan, pang-babaeng bag, at iba pa.